Biyernes, Marso 20, 2015

Pahina

Sa buhay ng tao marami tayong makikilala. Mayroong nakatadhana upang mamamlagi ng matagal, at mayroon din namang daraan lamang. Pero kahit gaano man kaikli o kahaba ang panahon na nakasama mo sila, mag-iiwan sila ng marka sa iyong pagkatao. At minsan ang pinakamasakit na parte nito ay ang iwanan ang mga taong gusto mong makasama habang buhay...  

     Planado na ang aking buhay. Planado na kasama sila. Binubuo ang aming klase ng 42 na estduyante. Ang aming pangkat ay hindi na nababawasan, hindi rin nadadagdagan. Sa aking pagpasok sa hayskul ay wala akong ni isang kilala, bagong lipat ako noon sa lugar. Sa mga unang araw ng klase ay wala akong nakakausap, ang iba sa kanila ay dati nang magkakaklase kaya naman hindi na sila nairapang makihalubilo. Ngunit nakaraan na iyon. Hindi ko alam kung paano nangyari, kung bakit ganoon ang kinahinatnan. Parte na ako ng isang pamilya. Sa amin pangkat na iyon walang titibag. 

     Sila ang mga taong humubog sa akin, marami ang aking pinagbago sa mga panahong nakasama ko sila. Natuto akong mangarap, nagkaroon ako ng tiwala sa sarili. Sa sampung oras na ginugugol naming magkakasama sa eskwelahan ay kilala na namin ng lubusan ang isa't-isa. Mayroon akong mga kinaiinisan noong una, ngunit sa kalaunan ay nakasanayan ko na din ang mga ugali at naintindihan. Alam namin ang kahinaan at kalakasan ng bawat isa. Alam namin kung sino ang lider sa tuwing mayroong pangkatan, alam namin kung sino ang dapat gawing bida sa mga presentasyon. Pag kailangan ng mga representatibo sa mga paligsahan ay kilala namin kung sino ang maaring isali. Kumbaga ba, 'matik na'. Alam namin ang lugar ng bawat isa. Kilala namin kung sino ang magaling sa anong bagay. Gamay na namin ang isa't-isa.

     Mayroong iba't-ibang grupo sa aming section. Sa tuwing break time ay kaniya-kaniyang puwesto. Nandiyang ay may sumasayaw, naggigitara, nagpapatugtog, nababasa, at kumakain. Iba't-iba ang trip. Pero sa oras na kailangan naming magtulungan, mahirap man ay nagagawa naming magsama-sama. Hindi maiiwasan ang kompetsiyon sa ibang seksyon, kaya pag oras nan lumaban ang game na game kami. Nasanay ako sa ganoong buhay, nasanay sa presensya ng aking ma kaibigan. Nasanay sa puntong hindi ko na kayang mawala sila, na hindi makukumpleto an araw ko kung hindi sila kasama. Binuo namin ang aming mga pangarap ng magkakasama. Plinano kung saang unibersidad kami magaaral at kung anong kurso ang kukunin. Binalak pa naming tumira sa iisang dormitoryo. Ang hinaharap ko ay kasama sila... 

      Pero ang lahat ay nagbabago, at kahit alam ko na darating an araw na kakailanganin naming maghiwalay at tahakin ang kaniya-kaniyang landas, hindi ko inakalang mas mapapaaga ito. Kinailangan naming lumipat ng bahay, at ako naman ay lilipat ng eskwelahan. Noong unang linggo ng pasukan ay gabi-gabi akong umiiyak. Lagi kong pinapanalangin na sana gumawa ang Diyos ng paraan upang makabalik ako sa dati kong pinpasukan. Pag break time na ay lalo akong nalulungkot... Pag nakikita ko silang may kaniya-kaniyang puwesto, pag may nakikita akong nag-aaya na lumabas at bumili. Wala na akong kaibigan na kasabay kumain, wala nang kasama lumabas. Nag-iisa na lang ako.

      Ilang linggo din bago tuluyang tanggapin ng isip ko na dito na talaga ako. At nang dumating ang panahon na iyon ay sinibukan kong magpakatatag. Nagkaroon ako nng mga bagong kaibigan, at unti-unti ay nalaman ko ang lugar ko sa pamilyang ito. Malaki ang pagbabago sa aking pag-aaral. Hindi ako sanay sa ilan nilang ginagawa. Lumipas ang mga araw... at ang babaing mag-isang naka-upo sa likod ay wala na.

      Masasabi kong lubos na naging masaya ang isang taon na inilagi ko sa eskwelahan na ito. Hindi na ito ang bago kong eskwelahan...ito na ang aking tahanan. Nakibahagi ako sa ilang organisasyon at sa unang pagkakataon ay naranasan ko ang gumawa ng mga masasayang aktibidad. Dahil dito ay dumami ang aking nakilala, nakarating ako sa iba't-ibang lugar. At higit sa lahat ay nagawa kong kilalanin ang bawat isa sa bago kong pangkat.

     Laging puno ng tawa ang bawat araw sa aming klase. Magmula sa pag-uulat at pagtatanghal mg natural ng komedyante ang mga bago kong kakaklase. At kahit uwian na ay di pa rin nauubos ang kwentuhan. Madaming alaala ang nabuo ko kasama sila. At sa pagtatapos ng taon na ito lubos akong nagpapasalamat sa kanila, lalo na sa mga taong naging lubos na malapit sa akin...

      Salamat sa patanggap.
      Salamat sa pag-intindi.
      Salamat sa pagpapatawa.
      Salamat dahil nandiyaan sila sa tuwing kailangan ko ng  kausap.
      Salamat sa mga tulong.
      Salamat dahil hindi niyo ako hinayaang ma-isa.
      Salamat sa isang taong puno ng saya.

Marahil kung hindi dahil sa kanila, ay gabi-gabi pa rin akong umiiyak. Sa aking paglipat ay panibagong pahina ang aking binuksan, at nagpapasalamat ako sayo na nakababasa nito dahil naging parte ka ng pahinang ito. At lagi kong hiling na masusundan pa ang mga taong tayo'y makakasama aking kaibigan.

         

+ 2

"Sayang !"

Iyan ang lagi kong nasasambit sa tuwing naaalala ko na hindi pa ako magtatapos pagtuntong ko sa ikaapat na taon sa hayskul. Salamat sa K-12. Excited pa naman akong pumasok na sa kolehiyo. Asar na asar ako dahil ang hirap mag-aral, dahil nga bago pa lamang ipinatutupad ay kulang sa materylaes. Walang mga modyul, ang hirap sumabay sa talakayan, kailangan ng sariling sikap. Bukod doon ay napakarami ang ginagawang proyekto. Pero kalaunan ay nagawa ko ding katuwaan ang programang ito. Malaki ang pinag-kaiba nito sa dating kurikulum, mas nakakapagod. Biruan nga namin na bago kami magtapos ay mga artista, direktor, cameraman na kami. Sa dami ba naman ng mga film na pinagagawa sa amin, kada grading sa bawat subject ay meron. Pero masaya ang dulot nito..Sa mga panahong ginagawa o shinoshoot namin ang aming film, madami ang nagaganap. Mga kalokohan, tawanan, minsan ay awayan. Pero ang mga pinagagawa sa amin ay nagpapatatag sa amin. Sa samahan. Nabubuo ang tiwala, nahuhubog ang pagiging lider, higit sa lahat ay nahahasa ang aming mga talento. Kahit na laging magulo ang buhok ko dahil sa dami ng ginagawa, masaya naman ako. Sa oras na natapos na ang gawain ay hindi ko maiwasan ang lumundag sa sobrang tuwa. Tuwa na tapos na ang aming kalbaryo. Pero mas nangingibabaw ang tuwa dahil natapos namin ito ng maayos, sa kabila ng mga di pagkakaintindihan, at mga kaguluhang naganap. Iyon ang pinakamasaya. Dagdag taon, dagdag gastos ang K-12. Pero kait ganoon ay nararapat lamang ito. Sa oras na kami ay magtapos paniguradong handa na kami. Handa na kaming harapin ang realidad ng buhay, handa na kaming tahakin ang mga landas na aming pinili. Sa tamang edad at tamang panahon, malaki ang naitulong ng programang ito.  Isang malaking hamon para sa aming lahat.

Titser

 Siya yung tipo ng tao na hindi mo nanaising lapitan. Itsura pa lamang ay halata na ang pagiging istrikto at seryoso, mga katangiang kinatatakutan ng mga estudyanteng katulad ko. Ang simpleng presensya niya ay nagpapatiklop sa aming klase. 

"Andiyan na si Ma'am!", at agad-agad na magpupuyusan tungo sa kani-kanilang upuan ang buong klase. 
          Ganoon namin siya kinatatakutan. At sa tuwing mayroon kaming nagagawag kasalanan ay hindi niya kailangang sumigaw, bahagyang taas lamang ng tinig ay nagpipigil na kami ng hininga. Naalala ko noong minsan siyang nagsermon sa amin tungkol sa mga nilalaman ng aming blog na kaniyang pinagagawa. Nakatayo lamang siya sa harapan at ni hindi kami tinitingnan, nakatuon ang kaniyang pansin sa papel na kaniyang hawak. Nunit kahit na hindi niya kami pinandidilatan, kahit hindi siya direktang nakatingin sa akin ay takot na takot akong gumalaw. Takot akong may magawang mali na lalo pa niyang ikagagalit. Sa simula ay natakot akong isipin na buong taon namin siyang magiging guro... pero sabi nga nila may mga bagay na hindi natin kontrolado.

         Isa na siguro ako sa mga maituturing na suwerteng estudyante. Isa ako sa mga nabigyan ng pagkakataon na makilala ang kabilang bahagi ng aming guro. Ang katauhan na makulit, malakas mang-asar at magaling makisama sa mga kabataan. Minsan nga ay tinutukso niya ako sa aking hinahangaan. At sa mga ganoong pagkakataon ay tawa na lamang ang aking naigaganti. Malakas din siyang magbara kaya naman sa tuwing makakasama namin siya sa mga aktibidad ay sumasakit ang aming mga tiyan sa kakatawa. 'Kalog', iyon siguro ang tamang termino. Magugulat ka na lamang sa mga biglaan niyang pagpapatawa. Ngunit sa kabila nito ay hindi mawawala ang respeto sa kaniya, nandoon pa din ang pagtingin bilang isang guro.

         Sa araw-araw naming talakayan ay mamamangha ka din sa kaniya. Hindi siya basta-bastang tumatanggap ng sagot na walang kabuluhan, kailangan ay pinag-iisipang mabuti. At kung ikaw ay tatayo sa harapan upang mag-ulat ay dapat na alam mo ang iyong iuulat kung hindi ay paniguradong malalagot ka. Hindi siya natutuwa kung nakaaliw lamang ang presentasyon dapat ay nandoon pa rin ang nilalaman nito. Sa mga gawain at takda ay napaka-mitikolosa niya. Alam niya kung sino ang gumagawa at hindi, kung sino ang nangongopya lamang. Wala ka talagang lusot. 

       Sa pagtatapos ng taon madami akong natutunan. Kaya naman kahit na minsan ay gusto ko siyang taguan, kahit minsan ay takot akong lapitan siya, at kadalasan ay hindi ako makapagsalita sa harap niya ay hindi ko maikakailang siya ang isa sa ma paborito kong guro... Alam niya kung kailan maaring tumawa at kailan dapat maging seryoso. Kaya niyang makipagsabayan sa aming mga 'trip' ng hindi naalis ang aming mataas na pagtingin sa kaniya. At kahit na may pagka-istrikto sa loob ng klase ay tama lamang ito. Lahat kami ay natututo, lahat kami ay nakikinig. Kumbaga sulit ang bawat sentimo na ibinabayad sa kaniya ng pamahalaan, dahil nagagawa niya ang kaniyang trabaho. Hindi kami aalis sa baitang na ito ng walang baon na ma kaalaman. At higit sa lahat ay nag-iwan din siya ng mga masasayang alaala na aming babalikan... Yan ang aming titser.

Linggo, Marso 15, 2015

Takda


Pangkatang Gawain

Tunay na Pag-ibig


Ang tunay na pag-ibig ay nagsisimula sa tiwala.Sa tiwalang mayroong taong nagmamahal sayo ng buong puso, na tatanggapin ang iyong buong pagkatao. Ito ang pagtitiwala na kahit magkalayo man kayo, walang distansya, walang haba ng panahon ang puputol sa inyong pag-iibigan. Iyang ang tunay na pag-ibig...

Ikaapat na Markahan, Ikasiyam na Linggo ( Marso 10 - 12, 2015 )

Minamahal kong blog,

Matatapos na ang taon ! Iyo ba itong napainiwalaaan Sapagkat ako ay hindi. Ngayong linggo ay aming tinalakay namin ang katauhan ni Maria Clara at ang pag-iibigan nila ni Maria Clara, at ano pa nga ba ang inaasahan kundi buhay na buhay ang bawat isa sa talakayan. Palibhasa ay tungkol ito sa pag-ibig. Trahedya ang naging wakas ng Noli Me Tangere, at ang istorya ng pag-iibigan ni Maria Clara at Crisostomo ay nagpaluha sa akin. Hindi ko pa ang naranasan ang umibig... ngunit mahilig akong magbasa ng mga nobelang ukol dito. Nakabasa na ako ng istorya na mayroong namatay sa dulo, o di kaya'y hindi sila magkakatuluyan sa huli. Lahat iyon ay iniyakan ko. Lagi kong iniisip kung ano kaya ang pakiramdam ng magmahal... sa mura kong edad ay mayroon na akong ideya sa pag-ibig. Alam kong sa oras na ikaw ay magmahal ay dapat na walang hinihintay na kapalit. Handa kang magparaya. Handa kang masaktan. Ang pag-ibig ay pagpapahalaga sa kaligahayan ng iba higit pa sa kaligayahan ng iyong sarili.  Ganoon naman ang ginawa ni Maria Clara at Ibarra, ngunit sa huli ay hindi sila naging masaya. Napakasakit siguro ng ganoon. Nang mawalay sa taong pinagaalayan mo ng buhay, ang hindi makita ang siyang dahilan ng pagbangon mo sa araw-araw. Damang- dama ko ang sakit na naramdaman ng dalawa g sila ay magpaalam sa isa't-isa... Kung siguro'y mabibigyan ako ng pagkakaton na makausap si Dr. Jose Rizal ay hihilingin ko na bigyang katarungan niya ang pag-iibigan ni Maria Clara at Ibarra. Na kahit papaano ay maging masaya sila...

                                  Nagmamahal,

                                  Camille

Ikaapat na Markahan, Ikawalong Linggo (Marso 3 - 6, 2015)

Minamahal kong blog,

Masarap ang magkaroon ng tunay na kaibigan. Gusto ko ng katulad ni Elias.  Isang taong handang isakripisyo ang sarili para sa kaniyang kabigan. Ngunit aking napag-isip isip.. kung ako kaya si Elias, magagawa ko bang ibuwis ang aking buhay para kay Ibarra? Handa ko bang talikuran ang hinaharap na naghihintay sa akin para lamang sa aking prinsipyo? Katapangan ang kinakailangan doon. At minsan sa buhay ay nawawalan ako noon. Madalas ay sarili ko lamang ang aking iniisip. Ipinagsasawalang bahala ko ang kalagayan ng iba. Sabi nga sa nabasa ko, " The only way to have true friends is to be one...". Iyon siguro ang pag-aaralan ko. Ang maging kaibigan higit ano pa man. Isang kaibigan na hindi lamang handan magpahiram ng bolpen sa katabi, o di kaya'y mag-pautang. Kundi isang kaibigang matapang na pagsasabihan ang kaniyang kaibigan kahit na magalit ito sa kaniya sa kadahilanang ayaw niya itong mapahamak. Sa aming pagtalakay sa Noli, napakarami kong natututunan... Ganoon din sana ang iba pang mag-aaral dito. Higit pa sa kalagayan ng Pilipinas, at ang pakikipaglaban para sa kalayaan. Pati na ang mga aral sa bawat tauhan ng nobelang ito...

                        Sumasaludo kay Elias,

                        Camille

Biyernes, Pebrero 27, 2015

Ikaapat na Markahan, Ikapitong Linggo ( Pebrero 24- 27, 2015)

Aking minamahal na blog, 

Nalalapit na ang aming pagsusulit sa markahang ito. At pabilis na rin ng pabilis ang aming talakayan sa Filipino. Ang linggong ito ay napaka-abala. Marami ang wala sa aming klase sa kadahilanang nangangampanya para sa darating na 'SSG Election 2015'. Sa pagbubukas ng linggo ay aming binalikan ang naiwang katanungan noong nakaraan. Kung si Crisostomo Ibarra ba ay biktima ng pagkakataon. Ang aking kasagutan dito ay oo. Naisip ko na ang pinagugatan ng mga kasawian at pagsubok sa buhay ni Ibarra ay ang inggit na nadarama ni Padre Damaso sa kaniya. Inggit na hindi naman niya pananagutan at dahil lamang ito sa kaniyang ama. Kung sakali mang hindi siya anak ni Don Rafael ay malamang na hindi pipigilan ni Padre Damaso ang kaniyang mga hangarin at hindi nito tututulan ang pagiibigan nila ni Maria Clara. Sa nobela ay mahihinuha na wala namang ginagawang masama si Crisostomo ngunit malaki pa rin ang galit sa kaniya. Matapos nito ay nagsagawa kami ng isang 'mock trial'. Kung saan kinakailangan naming litisin si Ibarra at Elias. Kung tama ba ang ginawa nilang pagtakas. Ito ay naging kawili-wili. Naipahayag ng mga nagsipag-ganap ang kanilang mga saloobin. Nakatulong din ito na lubos naming mauunawaan ang nobelang amin pinag-aaralan. Sa huli ay nagkaroon kami ng isang katamtamang pagsusulit. Dito kinailangan naming suriin kung aling kabanata ang nagpapakita kay Crisostomo bilang isang tapat na mangingibig at ang mga kabanatang magpapakita ng kaniyang mga hangarin. Dadako naman kami sa susunod na talakayan, ang tungkol kay Elias...Nawa'y samahan mo pa ako aking kaibigan.

                                Nagmamahal,
                                Camille

Biyernes, Pebrero 20, 2015

Ikaapat na Markahan, Ikaanim na Linggo( Pebrero 17-20, 2015)

Aking minamahal na blog,

Parang minuto ang paglipas ng mga araw, hindi ko namalayan na isang linggo na naman ang lumipas. At gaya ng mga nakaraang linggo ang aming talakayan ay nakatuon sa Noli Me Tangere. Nagkaroon kami ng pangkatang gawain upan lalong mas makilala si Crisostomo Ibarra at ang mga mahahalagang pangyayari sa kaniya. Kinilala naming siya bilang mangingibig at anak. Bilang isang tapat na mangingibig na nabigo sa huli at hindi nakamtan ang kasiyahan kasama si Maria Clara, bilang isang anak na naulila at ninanais na bigyang katarungan ang pagkamatay ng ama. Mula sa mga pangarap na kaniyang binuo at ang mga naging hadlang dito. Binalikan naming ang mahahalagang pangyayari sa bawat kabanata upang masagot ang isang katanungan…Kung si Crisostomo Ibarra ba ay biktima ng pagkakataon. Sa nobelang Noli Me Tangere marami ang pangyayaring dapat na unawain upang masagot ang katanungang ito. At iyon ang aking pag-iisipan sa nalalabing panahon bago dumating ang araw ng Martes… Sa muli.

                                                                           Nagmamahal,

                             Camille

Ikaapat na Markahan, Ikalimang Linggo ( Pebrero 10-13, 2015)

Aking minamahal na blog,

Nakakapagod ang linggong ito. Napakarami ang pinapagawa at kinakailangang ipasa, kitang-kita mo ito sa itsura naming mga estudyante. Mababahid ang pagod sa aming mga mata, may mga pagkakataon na umiinit ang aming ulo dahil sa dami ng iniisip. Ang aming pagtalakay sa Noli Me Tangere ay nagging madali naman. Sa pag-uulat ng mga pangkat ng mga kabanatang naiatas sa kanila mas madali naming naunawaan ang mga nangyari sa nobelang ito. Naiugnay din naming ang mga pangyayaring it okay Crisostomo Ibarra.  Pagdating ng Biyernes amin munang kinalimutan ang akdang ito at gumawa ng kaali-aliw na bagay para sa araw ng mga puso.  Nakatutuwa dahil idinaan naming sa tula ang mga bagay na nais naming iaparating sa isang tao na tungkol sa pag-ibig.  Ginamit ko ang pagkakataon upang gumawa ng tula na kagigiliwan ng iba. Maligang araw ng mga puso !

                                                                                                                                                                            Nagmamahal,
                                                                           Camille


Ikaapat na Markahan, Ikaapat na Linggo ( Pebrero 3-6, 2015)

Aking minamahal na blog,

Ikinalulungkot ko ang linggong ito. Dahil sa isang karamdaman hindi ko nagawang pumasok  sa aming klase.  Ilang araw din akong nanghina na halos hindi na ako makakain. Marami akong hindi natunghayan sa mga araw na wala ako. Isa na rito ang aming informance kung saan gagayahin ang mga tauhan ng Noli Me Tangere. Ayon sa aking mga nasagap ay ikinatuwa ni Gng. Mixto ang kinalabasan ng informance. Magaling ang ipinakita ng mga tauhan na ikinaaliw ng mga manunuod, nanghihinayang ako dahil hindi ako nakaganap sa gawaing iyon. Sinimulan din namin ang  pagtalakay sa bawat kabanata ng Noli Me Tangere, sa pamamagitan ng paguulat ng mga pangkat. Isinagawa it upang mas lalong maunawaan ang kahalagahan ng mga pangyayari sa mga kabanata at ang koneksyon nito kay Crisostomo Ibarra ang bida.
Nais ko nang pumasok upang makasabay na sa talakayan.

                                                                                                                                                                             Nagmamahal,

                                   Camille

Ikaapat na Markahan, Ikatlong Linggo ( Enero 27-30, 2015)

Aking minamahal na blog,
Ang mga nakaraang araw ay nagging napakasaya. Hindi ko magagawang ibahagi saiyo ang mga nangyari sa aming klase sa kadahilanang wala ako rito. Tumungo ako kasama ang aming guro at ilan sa aking mga kamag-aral sa Batangas, para sa kompetisyong nabanggit ko sa nakaraang sulat ko saiyo. Iyon na lamang ang aking ibabahagi saiyo.  Sa loob ng apat na araw naming pamamalagi doon ay napakaraming alaala ang aming binuo.  Maaga kaming gumigising upang makaligo ng maaga at hindi mahuli sa mga aktibidad na kami ay kasali. Tagos sa buto ang lamig sa lugar na iyon, pakiramdam ko noon ay nasa ibang bansa ako dahil ilang patong ang aming suot.  Marami akong nakilala, mga taong sa sandaling panahon ay nagpasaya at nagpataw sa akin. Tawa doon, tawa dito, hindi kami nauubusan ng pinaguusapan hindi nagging balakid ang pagkakaiba ng eskwelahang aming pinagmulan. Nabuo ang isang pagkakaibigan, ang isang samahan, magmula sa mga kalokohan at mga biruan hanggang sa mga di malilimutang pagkakataon.  Mas nakilala ko pa ang aking mga kasama at ang aming guro. Hindi ko malilimutan ang karanasang iyon, nasasabik na ako sa susunod na taon. Hindi man kami pinalad na magwagi ay baon naman naming ang isang karanasang hindi matutumbasan ng kahit ano pa mang premyo.Marami akong kailangang habulin sa aming talakayan sa eskwela, nananabik na rin ako sa aking mga kaklase. Hanggang sa muli aking kaibigan…..

                                                                                                                                                                                                                         Nagmamahal,

                                                                               Camille

Ikaapat na Markahan, Ikalawang Linggo ( Enero 21-23, 2015)


Aking minamahal na blog,

Kamusta ka aking kaibigan?  Isang linggo na rin ang lumipas mula nang huli akong sumulat saiyo. Ngayon ay mayroon akong baong kuwento para saiyo. Lahat ng bagay ay may dahilan, gayun din ang pagkakasulat ng ‘Noli Me Tangere’ at iyon ang aming tinalakay sa linggong ito. Sinubukan naming pasukin ang isipan ni Jose Rizal at alamin kung bakit ninais niyang isulat ang nobelang ito. Lalong lumalim ang aking paghanga sa ating pambansang bayani sa aking mga natutunana. Sadyang  napakatalino niya. Nagmasid siya at hindi isinawalang bahala ang mga nagyayari sa kaniyang paligid.Inisip niyang mabuti ang kahulugan nito at ang mga maaari pang mangyari sa hinaharap. Alam niya ang magiging epekto nito kaya naman ginamit niya ang angking talento sa pagsulat upang iparating sa kaniyang mga kababayan ang tunay na kinahaharap ng Espanya. Hindi niya pinalagpas ang oportunidad at ginamit ito ng wasto upang magising ang makabayang damdamin ng mga Pilipino.Ngunit naputol doon ang aking pagkatuto dahil sa mga sumunod na araw ay wala na ako sa aming klase. Kasama ang ilan ko pang kamag-aral dumalo kami sa isang pagsasanay para sa darating na ‘Regional School’s Press Conference’.  Lubha akong natuwa sa mga naganap sa aming pagsasanay. Nakita kong muli ang aking mga bagong kaibigan at marami rin akong natutunan na magagamit ko bilang isang manunulat. Sa kabila noon ay may lungkot akong naramdaman nang aking marinig ang mga nangyari sa aming klase noong kami ay nawala. Nagkaroon sila ng debate ukol sa kung dapat ba o di-dapat na ginamit ni Rizal ang kaniyang panulat para sa kapakanan ng bayan. Nais kong ibahagi ang aking opinyon ukol dito. Lahat tayo ay binigyan ng talent, at responsibilidad natin ang gawing makabuluhan ito. Iyon ang ginawa ni Rizal, hindi siya nagsulat para lamang mang-aliw, nagsulat siya ng mga akdang kalian man ay hindi paglilipasan ng panahon. Pinili niyang gamitin ang kaniyang  talento upang imulat ang iba, upang makapag-ambag sa ating kasaysayan.  Nag-iwan siya ng marka. Hanggang dito na lamang….

                                                                                                                              
                                                                               Nagmamahal,
                                                                               Camille


Sabado, Enero 17, 2015

Ikaapat na Markahan, Unang Linggo (Enero 13-17, 2015)


Aking minamahal na blog,

Ako ngayu'y sumusulat habang patuloy ang pagbagsak ng ulan sa bubong ng aming tahanan. Nais kong ikwento ang mga nangyari sa aming unang linggo sa ikaapat na markahan. Ngunit bago iyon nais ko munang ibahagi ang mga aking damdamin sa pagdating nito. Kay bilis ng panahon at hindi ko namalayang malapit na palang magtapos ang aking ika siyam na taon sa pag-aaral, kaya naman naisipan kong mas pagbutiin at ibigay na ang aking lubos na makakaya sa mga gawaing inaatas sa akin bilang estudyante. Isa na dito ang pagbutihin ang laman ng aking blog. Ang unang linggong ito ay hindi pa gaanong kabigat. Ibinigay sa amin ni Gng. Mixto ang mga proyektong gagawin namin para sa markahang ito. Una itong ibinibigay ng aming guro upang mabigyan kami ng mahabang pagkakataon na mapaghandaan ito. Bilang mga mag-aaral sa ilalim ng kurikulum na K-12 ang mga pinagagawa sa amin ay nakatuon hindi lamang sa kaalaman kung hindi sa mga kasanayan sa paggawa ng mga produkto. Ilan lamang sa mga ito ay ang paggawa ng movie trailer, short film, commercial at kung anu-ano pa. Biro nga ng isa sa aming kakaklase na bago pa man kami magtapos ay mga artista na kami. Ngayong markahan nakatuon kami sa pag-aaral sa Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal. Isang nobelang malaki ang ginampanan sa kasaysayan ng ating bansa. At dito rin mababase ang aming gagawing short film. Ako ay nananabik na na matutunan at masilip ang akdang ito. Hanggang dito na lamang... sa aking mulin pagsulat aking blog....
                                         
                                                                                                                                                                      Iyong may-ari,                                                                             Camille Vivar 

Sabado, Enero 10, 2015

Ikawalong Linggo

Para sa huling linggo ng aming pag-aaral, tinalakay namin ang sanaysay. Nangagahulugan ito na 'salaysay ng isang sanay'. Tinalakay namin ang mga elemento nito na ang mga sumusunod : paksa, tono, kaisipan.  Tinalakay din namin ang apat na teksto nito na, nagsasalaysay, nagbibigay impormasyon, nanghihikayat, at nagbibigay argumento. Natutunan din namin na sa paggawa ng sanaysay, kinakailangan may pamaksang pangungusap at mga pantulong na pangungusap.Nanood din kami ng mga dokumentaryo at nagtala ng ilag impormasyon dito na hinihingi para sa aming takda. Pinag-aralan din namin ulit ang pagpapasidhi ng damdamin.

Ikapitong Linggo

Ngayong Linggo ay kaunti na lamang ang aming oras, sapagkat ito ang huling linggo bago ang bakasyon para sa Pasko. Wala ako sa klase gayundin si Gng. Mixto dahil mayroon kaming training. Ngunit ayun sa aking napagalaman ang tinalakay ngayong linggo ay ang pagpapasidhi ng damdamin. Ito ay isang uri ng pagpapahayag ng  saloobin o emosyon sa paraang pagpapataas ng antas nito. Nagagamit ito sa pamamagitan ng pag-iiba-iba ng mga salitang may magkatulad na kahulugan. Nagbalik aral din sa mga nakaraang akda.

Ikaanim na Linggo

Maraming araw ang nawala sa amin ngayong Linggo. Walang pasok ng dalawang araw dahil sa bagyo, at pagbalik naman namin ay iniexcuse kami mula sa aming klase upang tapusin ang mga dapat gawin para sa dyaryo. Maging si Gng. Mixto ay abala din kaya naman si G. Mixto ang pansamantalang nagturo sa aming klase. Binigyan kami ng gawain na ukol sa 'Dalit kay Maria', at 'Kung Tuyo na Ang Luha Mo Aking Bayan'. May mga katanungang aming kinopya at sinagutan para sa gawaing ito. Sa pagbabalik ni Gng. Mixto ay amin namang tinalakay ang oda at dalit. Aking natutunan na ang Oda ay tula ng pagpupuri at ang Dalit naman ay isang katutubong anyo ng tula, na may walong pantig bawat taludtod, apat na saknong na may isang tugmaan.

Ikalimang Linggo



Ngayong linggo ay dumako kami sa panibagong aralin. Ang Elihiya. Sinimulan namin ito sa pakikinig sa isang mensahe ng isang anak sa kaniyang mga magulang. Ito ay isang madamdaming mensahe kaya naman ninamnam namin ito at pinakinggan nang mabuti. Mayroon ding mga katanungan na aming sinagot ukol sa aming napakinggan. Nagbasa din kami ng ilang halimbawa ng Elihiya tulad ng 'Elehiya sa Kamatayan ni Kuya'.

 Natutunan ko ang mga sumusunod : Ang elihiya ay isang tulang liriko na naglalarawan ng pagbubulay-bulay o guni-guni na nagpapakita ng masidhing damdamin patungkol sa alaala ng isang mahal sa buhay.

 May mga katangian itong :
- Tula ito ng pananangis, alaala at pagpaparangal ng mahal sa buhay.
- Ag himig ay matimpi at pagmumuni-muni at pagdakila.

Ikaapat na Linggo

Ngayong linggong ito ay tinalakay namin ang parabula. At natutunan ko na ang parabula, ay nagmula sa salitang griyego na 'parabole' na nagsasaad ng dalawag bagay na maaaring tao, bagay, hayop lugar o pangyayari. Ginagamit ito upang magpahayag ng aral sa di tuwirang paraan. Kailangang basahin at unawain ng mabuti upang malaman ang nais na iparating na maacxensahe ng isang parabula.  Ang mga parabula ay isinusulat sa patalinghagang paraan. Ang mga talinghaga ay mga pangungusap, parirala o isang salaysay na malalim o hindi tuwirang katuturan, kailangang pag-isipang mabuti. Kadalasang matatagpuan ito sa Bibliya. Isa sa aming mga binasa ay ang 'Ang Talinghaga Tungkol sa May-Ari ng Ubasan” (Mateo 20: 1-16 sa Bagong Tipan) '

Pinagawa din kami ni Gng. Mixto ng sarili naming talinghaga. Ito ay matapos talakayin ang mga dapat isaalang-alang sa pagsulat ng talinghaga.