Biyernes, Marso 20, 2015

Pahina

Sa buhay ng tao marami tayong makikilala. Mayroong nakatadhana upang mamamlagi ng matagal, at mayroon din namang daraan lamang. Pero kahit gaano man kaikli o kahaba ang panahon na nakasama mo sila, mag-iiwan sila ng marka sa iyong pagkatao. At minsan ang pinakamasakit na parte nito ay ang iwanan ang mga taong gusto mong makasama habang buhay...  

     Planado na ang aking buhay. Planado na kasama sila. Binubuo ang aming klase ng 42 na estduyante. Ang aming pangkat ay hindi na nababawasan, hindi rin nadadagdagan. Sa aking pagpasok sa hayskul ay wala akong ni isang kilala, bagong lipat ako noon sa lugar. Sa mga unang araw ng klase ay wala akong nakakausap, ang iba sa kanila ay dati nang magkakaklase kaya naman hindi na sila nairapang makihalubilo. Ngunit nakaraan na iyon. Hindi ko alam kung paano nangyari, kung bakit ganoon ang kinahinatnan. Parte na ako ng isang pamilya. Sa amin pangkat na iyon walang titibag. 

     Sila ang mga taong humubog sa akin, marami ang aking pinagbago sa mga panahong nakasama ko sila. Natuto akong mangarap, nagkaroon ako ng tiwala sa sarili. Sa sampung oras na ginugugol naming magkakasama sa eskwelahan ay kilala na namin ng lubusan ang isa't-isa. Mayroon akong mga kinaiinisan noong una, ngunit sa kalaunan ay nakasanayan ko na din ang mga ugali at naintindihan. Alam namin ang kahinaan at kalakasan ng bawat isa. Alam namin kung sino ang lider sa tuwing mayroong pangkatan, alam namin kung sino ang dapat gawing bida sa mga presentasyon. Pag kailangan ng mga representatibo sa mga paligsahan ay kilala namin kung sino ang maaring isali. Kumbaga ba, 'matik na'. Alam namin ang lugar ng bawat isa. Kilala namin kung sino ang magaling sa anong bagay. Gamay na namin ang isa't-isa.

     Mayroong iba't-ibang grupo sa aming section. Sa tuwing break time ay kaniya-kaniyang puwesto. Nandiyang ay may sumasayaw, naggigitara, nagpapatugtog, nababasa, at kumakain. Iba't-iba ang trip. Pero sa oras na kailangan naming magtulungan, mahirap man ay nagagawa naming magsama-sama. Hindi maiiwasan ang kompetsiyon sa ibang seksyon, kaya pag oras nan lumaban ang game na game kami. Nasanay ako sa ganoong buhay, nasanay sa presensya ng aking ma kaibigan. Nasanay sa puntong hindi ko na kayang mawala sila, na hindi makukumpleto an araw ko kung hindi sila kasama. Binuo namin ang aming mga pangarap ng magkakasama. Plinano kung saang unibersidad kami magaaral at kung anong kurso ang kukunin. Binalak pa naming tumira sa iisang dormitoryo. Ang hinaharap ko ay kasama sila... 

      Pero ang lahat ay nagbabago, at kahit alam ko na darating an araw na kakailanganin naming maghiwalay at tahakin ang kaniya-kaniyang landas, hindi ko inakalang mas mapapaaga ito. Kinailangan naming lumipat ng bahay, at ako naman ay lilipat ng eskwelahan. Noong unang linggo ng pasukan ay gabi-gabi akong umiiyak. Lagi kong pinapanalangin na sana gumawa ang Diyos ng paraan upang makabalik ako sa dati kong pinpasukan. Pag break time na ay lalo akong nalulungkot... Pag nakikita ko silang may kaniya-kaniyang puwesto, pag may nakikita akong nag-aaya na lumabas at bumili. Wala na akong kaibigan na kasabay kumain, wala nang kasama lumabas. Nag-iisa na lang ako.

      Ilang linggo din bago tuluyang tanggapin ng isip ko na dito na talaga ako. At nang dumating ang panahon na iyon ay sinibukan kong magpakatatag. Nagkaroon ako nng mga bagong kaibigan, at unti-unti ay nalaman ko ang lugar ko sa pamilyang ito. Malaki ang pagbabago sa aking pag-aaral. Hindi ako sanay sa ilan nilang ginagawa. Lumipas ang mga araw... at ang babaing mag-isang naka-upo sa likod ay wala na.

      Masasabi kong lubos na naging masaya ang isang taon na inilagi ko sa eskwelahan na ito. Hindi na ito ang bago kong eskwelahan...ito na ang aking tahanan. Nakibahagi ako sa ilang organisasyon at sa unang pagkakataon ay naranasan ko ang gumawa ng mga masasayang aktibidad. Dahil dito ay dumami ang aking nakilala, nakarating ako sa iba't-ibang lugar. At higit sa lahat ay nagawa kong kilalanin ang bawat isa sa bago kong pangkat.

     Laging puno ng tawa ang bawat araw sa aming klase. Magmula sa pag-uulat at pagtatanghal mg natural ng komedyante ang mga bago kong kakaklase. At kahit uwian na ay di pa rin nauubos ang kwentuhan. Madaming alaala ang nabuo ko kasama sila. At sa pagtatapos ng taon na ito lubos akong nagpapasalamat sa kanila, lalo na sa mga taong naging lubos na malapit sa akin...

      Salamat sa patanggap.
      Salamat sa pag-intindi.
      Salamat sa pagpapatawa.
      Salamat dahil nandiyaan sila sa tuwing kailangan ko ng  kausap.
      Salamat sa mga tulong.
      Salamat dahil hindi niyo ako hinayaang ma-isa.
      Salamat sa isang taong puno ng saya.

Marahil kung hindi dahil sa kanila, ay gabi-gabi pa rin akong umiiyak. Sa aking paglipat ay panibagong pahina ang aking binuksan, at nagpapasalamat ako sayo na nakababasa nito dahil naging parte ka ng pahinang ito. At lagi kong hiling na masusundan pa ang mga taong tayo'y makakasama aking kaibigan.

         

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento