Biyernes, Marso 20, 2015

Titser

 Siya yung tipo ng tao na hindi mo nanaising lapitan. Itsura pa lamang ay halata na ang pagiging istrikto at seryoso, mga katangiang kinatatakutan ng mga estudyanteng katulad ko. Ang simpleng presensya niya ay nagpapatiklop sa aming klase. 

"Andiyan na si Ma'am!", at agad-agad na magpupuyusan tungo sa kani-kanilang upuan ang buong klase. 
          Ganoon namin siya kinatatakutan. At sa tuwing mayroon kaming nagagawag kasalanan ay hindi niya kailangang sumigaw, bahagyang taas lamang ng tinig ay nagpipigil na kami ng hininga. Naalala ko noong minsan siyang nagsermon sa amin tungkol sa mga nilalaman ng aming blog na kaniyang pinagagawa. Nakatayo lamang siya sa harapan at ni hindi kami tinitingnan, nakatuon ang kaniyang pansin sa papel na kaniyang hawak. Nunit kahit na hindi niya kami pinandidilatan, kahit hindi siya direktang nakatingin sa akin ay takot na takot akong gumalaw. Takot akong may magawang mali na lalo pa niyang ikagagalit. Sa simula ay natakot akong isipin na buong taon namin siyang magiging guro... pero sabi nga nila may mga bagay na hindi natin kontrolado.

         Isa na siguro ako sa mga maituturing na suwerteng estudyante. Isa ako sa mga nabigyan ng pagkakataon na makilala ang kabilang bahagi ng aming guro. Ang katauhan na makulit, malakas mang-asar at magaling makisama sa mga kabataan. Minsan nga ay tinutukso niya ako sa aking hinahangaan. At sa mga ganoong pagkakataon ay tawa na lamang ang aking naigaganti. Malakas din siyang magbara kaya naman sa tuwing makakasama namin siya sa mga aktibidad ay sumasakit ang aming mga tiyan sa kakatawa. 'Kalog', iyon siguro ang tamang termino. Magugulat ka na lamang sa mga biglaan niyang pagpapatawa. Ngunit sa kabila nito ay hindi mawawala ang respeto sa kaniya, nandoon pa din ang pagtingin bilang isang guro.

         Sa araw-araw naming talakayan ay mamamangha ka din sa kaniya. Hindi siya basta-bastang tumatanggap ng sagot na walang kabuluhan, kailangan ay pinag-iisipang mabuti. At kung ikaw ay tatayo sa harapan upang mag-ulat ay dapat na alam mo ang iyong iuulat kung hindi ay paniguradong malalagot ka. Hindi siya natutuwa kung nakaaliw lamang ang presentasyon dapat ay nandoon pa rin ang nilalaman nito. Sa mga gawain at takda ay napaka-mitikolosa niya. Alam niya kung sino ang gumagawa at hindi, kung sino ang nangongopya lamang. Wala ka talagang lusot. 

       Sa pagtatapos ng taon madami akong natutunan. Kaya naman kahit na minsan ay gusto ko siyang taguan, kahit minsan ay takot akong lapitan siya, at kadalasan ay hindi ako makapagsalita sa harap niya ay hindi ko maikakailang siya ang isa sa ma paborito kong guro... Alam niya kung kailan maaring tumawa at kailan dapat maging seryoso. Kaya niyang makipagsabayan sa aming mga 'trip' ng hindi naalis ang aming mataas na pagtingin sa kaniya. At kahit na may pagka-istrikto sa loob ng klase ay tama lamang ito. Lahat kami ay natututo, lahat kami ay nakikinig. Kumbaga sulit ang bawat sentimo na ibinabayad sa kaniya ng pamahalaan, dahil nagagawa niya ang kaniyang trabaho. Hindi kami aalis sa baitang na ito ng walang baon na ma kaalaman. At higit sa lahat ay nag-iwan din siya ng mga masasayang alaala na aming babalikan... Yan ang aming titser.

2 komento: