Biyernes, Pebrero 27, 2015

Ikaapat na Markahan, Ikapitong Linggo ( Pebrero 24- 27, 2015)

Aking minamahal na blog, 

Nalalapit na ang aming pagsusulit sa markahang ito. At pabilis na rin ng pabilis ang aming talakayan sa Filipino. Ang linggong ito ay napaka-abala. Marami ang wala sa aming klase sa kadahilanang nangangampanya para sa darating na 'SSG Election 2015'. Sa pagbubukas ng linggo ay aming binalikan ang naiwang katanungan noong nakaraan. Kung si Crisostomo Ibarra ba ay biktima ng pagkakataon. Ang aking kasagutan dito ay oo. Naisip ko na ang pinagugatan ng mga kasawian at pagsubok sa buhay ni Ibarra ay ang inggit na nadarama ni Padre Damaso sa kaniya. Inggit na hindi naman niya pananagutan at dahil lamang ito sa kaniyang ama. Kung sakali mang hindi siya anak ni Don Rafael ay malamang na hindi pipigilan ni Padre Damaso ang kaniyang mga hangarin at hindi nito tututulan ang pagiibigan nila ni Maria Clara. Sa nobela ay mahihinuha na wala namang ginagawang masama si Crisostomo ngunit malaki pa rin ang galit sa kaniya. Matapos nito ay nagsagawa kami ng isang 'mock trial'. Kung saan kinakailangan naming litisin si Ibarra at Elias. Kung tama ba ang ginawa nilang pagtakas. Ito ay naging kawili-wili. Naipahayag ng mga nagsipag-ganap ang kanilang mga saloobin. Nakatulong din ito na lubos naming mauunawaan ang nobelang amin pinag-aaralan. Sa huli ay nagkaroon kami ng isang katamtamang pagsusulit. Dito kinailangan naming suriin kung aling kabanata ang nagpapakita kay Crisostomo bilang isang tapat na mangingibig at ang mga kabanatang magpapakita ng kaniyang mga hangarin. Dadako naman kami sa susunod na talakayan, ang tungkol kay Elias...Nawa'y samahan mo pa ako aking kaibigan.

                                Nagmamahal,
                                Camille

Biyernes, Pebrero 20, 2015

Ikaapat na Markahan, Ikaanim na Linggo( Pebrero 17-20, 2015)

Aking minamahal na blog,

Parang minuto ang paglipas ng mga araw, hindi ko namalayan na isang linggo na naman ang lumipas. At gaya ng mga nakaraang linggo ang aming talakayan ay nakatuon sa Noli Me Tangere. Nagkaroon kami ng pangkatang gawain upan lalong mas makilala si Crisostomo Ibarra at ang mga mahahalagang pangyayari sa kaniya. Kinilala naming siya bilang mangingibig at anak. Bilang isang tapat na mangingibig na nabigo sa huli at hindi nakamtan ang kasiyahan kasama si Maria Clara, bilang isang anak na naulila at ninanais na bigyang katarungan ang pagkamatay ng ama. Mula sa mga pangarap na kaniyang binuo at ang mga naging hadlang dito. Binalikan naming ang mahahalagang pangyayari sa bawat kabanata upang masagot ang isang katanungan…Kung si Crisostomo Ibarra ba ay biktima ng pagkakataon. Sa nobelang Noli Me Tangere marami ang pangyayaring dapat na unawain upang masagot ang katanungang ito. At iyon ang aking pag-iisipan sa nalalabing panahon bago dumating ang araw ng Martes… Sa muli.

                                                                           Nagmamahal,

                             Camille

Ikaapat na Markahan, Ikalimang Linggo ( Pebrero 10-13, 2015)

Aking minamahal na blog,

Nakakapagod ang linggong ito. Napakarami ang pinapagawa at kinakailangang ipasa, kitang-kita mo ito sa itsura naming mga estudyante. Mababahid ang pagod sa aming mga mata, may mga pagkakataon na umiinit ang aming ulo dahil sa dami ng iniisip. Ang aming pagtalakay sa Noli Me Tangere ay nagging madali naman. Sa pag-uulat ng mga pangkat ng mga kabanatang naiatas sa kanila mas madali naming naunawaan ang mga nangyari sa nobelang ito. Naiugnay din naming ang mga pangyayaring it okay Crisostomo Ibarra.  Pagdating ng Biyernes amin munang kinalimutan ang akdang ito at gumawa ng kaali-aliw na bagay para sa araw ng mga puso.  Nakatutuwa dahil idinaan naming sa tula ang mga bagay na nais naming iaparating sa isang tao na tungkol sa pag-ibig.  Ginamit ko ang pagkakataon upang gumawa ng tula na kagigiliwan ng iba. Maligang araw ng mga puso !

                                                                                                                                                                            Nagmamahal,
                                                                           Camille


Ikaapat na Markahan, Ikaapat na Linggo ( Pebrero 3-6, 2015)

Aking minamahal na blog,

Ikinalulungkot ko ang linggong ito. Dahil sa isang karamdaman hindi ko nagawang pumasok  sa aming klase.  Ilang araw din akong nanghina na halos hindi na ako makakain. Marami akong hindi natunghayan sa mga araw na wala ako. Isa na rito ang aming informance kung saan gagayahin ang mga tauhan ng Noli Me Tangere. Ayon sa aking mga nasagap ay ikinatuwa ni Gng. Mixto ang kinalabasan ng informance. Magaling ang ipinakita ng mga tauhan na ikinaaliw ng mga manunuod, nanghihinayang ako dahil hindi ako nakaganap sa gawaing iyon. Sinimulan din namin ang  pagtalakay sa bawat kabanata ng Noli Me Tangere, sa pamamagitan ng paguulat ng mga pangkat. Isinagawa it upang mas lalong maunawaan ang kahalagahan ng mga pangyayari sa mga kabanata at ang koneksyon nito kay Crisostomo Ibarra ang bida.
Nais ko nang pumasok upang makasabay na sa talakayan.

                                                                                                                                                                             Nagmamahal,

                                   Camille

Ikaapat na Markahan, Ikatlong Linggo ( Enero 27-30, 2015)

Aking minamahal na blog,
Ang mga nakaraang araw ay nagging napakasaya. Hindi ko magagawang ibahagi saiyo ang mga nangyari sa aming klase sa kadahilanang wala ako rito. Tumungo ako kasama ang aming guro at ilan sa aking mga kamag-aral sa Batangas, para sa kompetisyong nabanggit ko sa nakaraang sulat ko saiyo. Iyon na lamang ang aking ibabahagi saiyo.  Sa loob ng apat na araw naming pamamalagi doon ay napakaraming alaala ang aming binuo.  Maaga kaming gumigising upang makaligo ng maaga at hindi mahuli sa mga aktibidad na kami ay kasali. Tagos sa buto ang lamig sa lugar na iyon, pakiramdam ko noon ay nasa ibang bansa ako dahil ilang patong ang aming suot.  Marami akong nakilala, mga taong sa sandaling panahon ay nagpasaya at nagpataw sa akin. Tawa doon, tawa dito, hindi kami nauubusan ng pinaguusapan hindi nagging balakid ang pagkakaiba ng eskwelahang aming pinagmulan. Nabuo ang isang pagkakaibigan, ang isang samahan, magmula sa mga kalokohan at mga biruan hanggang sa mga di malilimutang pagkakataon.  Mas nakilala ko pa ang aking mga kasama at ang aming guro. Hindi ko malilimutan ang karanasang iyon, nasasabik na ako sa susunod na taon. Hindi man kami pinalad na magwagi ay baon naman naming ang isang karanasang hindi matutumbasan ng kahit ano pa mang premyo.Marami akong kailangang habulin sa aming talakayan sa eskwela, nananabik na rin ako sa aking mga kaklase. Hanggang sa muli aking kaibigan…..

                                                                                                                                                                                                                         Nagmamahal,

                                                                               Camille

Ikaapat na Markahan, Ikalawang Linggo ( Enero 21-23, 2015)


Aking minamahal na blog,

Kamusta ka aking kaibigan?  Isang linggo na rin ang lumipas mula nang huli akong sumulat saiyo. Ngayon ay mayroon akong baong kuwento para saiyo. Lahat ng bagay ay may dahilan, gayun din ang pagkakasulat ng ‘Noli Me Tangere’ at iyon ang aming tinalakay sa linggong ito. Sinubukan naming pasukin ang isipan ni Jose Rizal at alamin kung bakit ninais niyang isulat ang nobelang ito. Lalong lumalim ang aking paghanga sa ating pambansang bayani sa aking mga natutunana. Sadyang  napakatalino niya. Nagmasid siya at hindi isinawalang bahala ang mga nagyayari sa kaniyang paligid.Inisip niyang mabuti ang kahulugan nito at ang mga maaari pang mangyari sa hinaharap. Alam niya ang magiging epekto nito kaya naman ginamit niya ang angking talento sa pagsulat upang iparating sa kaniyang mga kababayan ang tunay na kinahaharap ng Espanya. Hindi niya pinalagpas ang oportunidad at ginamit ito ng wasto upang magising ang makabayang damdamin ng mga Pilipino.Ngunit naputol doon ang aking pagkatuto dahil sa mga sumunod na araw ay wala na ako sa aming klase. Kasama ang ilan ko pang kamag-aral dumalo kami sa isang pagsasanay para sa darating na ‘Regional School’s Press Conference’.  Lubha akong natuwa sa mga naganap sa aming pagsasanay. Nakita kong muli ang aking mga bagong kaibigan at marami rin akong natutunan na magagamit ko bilang isang manunulat. Sa kabila noon ay may lungkot akong naramdaman nang aking marinig ang mga nangyari sa aming klase noong kami ay nawala. Nagkaroon sila ng debate ukol sa kung dapat ba o di-dapat na ginamit ni Rizal ang kaniyang panulat para sa kapakanan ng bayan. Nais kong ibahagi ang aking opinyon ukol dito. Lahat tayo ay binigyan ng talent, at responsibilidad natin ang gawing makabuluhan ito. Iyon ang ginawa ni Rizal, hindi siya nagsulat para lamang mang-aliw, nagsulat siya ng mga akdang kalian man ay hindi paglilipasan ng panahon. Pinili niyang gamitin ang kaniyang  talento upang imulat ang iba, upang makapag-ambag sa ating kasaysayan.  Nag-iwan siya ng marka. Hanggang dito na lamang….

                                                                                                                              
                                                                               Nagmamahal,
                                                                               Camille