Ang Alamat ni Prinsesa Manorah(Isinalin sa Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta)
Isang alamat na pasalin-salin sa iba’t ibang panahon at
henerasyon mula noong panahon ng Ayutthaya at nagbigay-inspirasyon kay Haring
Rama V ng Thailand.
Si Kinnaree Manorah ay isang prinsesa ng alamat ng Thai at
ang pinakabata sa pitong anak na kinnaree ng Haring Prathum at Reynang
Jantakinnaree. Siya ay nakatira sa maalamat na kaharian ng Bundok Grairat. Ang
pitong kinnaree ay kalahating babae at kalahating sisne. Sila’y nakalilipad at
nagagawang itago ang kanikanilang pakpak kung kanilang nanaisin.
Sa loob ng kahariang Krairat (Grairat), nakatago ang
kagubatan ng Himmapan kung saan din namamahay ang mga nakatatakot na nilalang
na hindi kilala sa daigdig ng mga tao.
Sa loob ng kagubatan, nakakubli ang maganda at kaaya-ayang
lawa kung saan ang pitong kinnaree ay masayang dumadalaw lalo na sa araw ng
Panarasi (kalakihan ng buwan). Sa di-kalayuan ng lawa, nakatira ang isang
ermitanyo na nagsasagawa ng kaniyang meditasyon.
Isang araw, napadako ang isang binata habang naglalakbay sa
kagubatan ng Himmapan. Siya ay si Prahnbun. Nakita niya ang pitong kinnaree na
masayang nagtatampisaw sa ilog. Namangha siya sa nakabibighaning kagandahan ni
Prinsesa Manorah. Naisip niya na kung mahuhuli niya ang prinsesa, dadalhin niya
ito kay Prinsipe Suton, ang anak ng Haring Artityawong at Reyna Jantaivee ng
Udon Panjah. Tiyak na matutuwa ang prinsipe at tuluyang mapapaibig ito sa
prinsesa. Ngunit naitanong niya sa sarili kung paano niya ito mahuhuli.
Alam ni Prahnbun na may ermitanyong nakatira sa malapit ng
kagubatan. Pinuntahan niya ito upang magpatulong sa kaniyang balak. Sinabi sa
kaniya ng ermitanyo na napakahirap ang manghuli ng kinnaree dahil agad-agad
itong lumilipad kapag tinatakot. Ngunit naisip ng ermitanyo na may isang dragon
na nakatira sa pinakasulok-sulukan ng kagubatan na maaaring makatulong sa
kanila. Nagpasalamat ang binata sa ermitanyo at nagmamadaling lumisan upang
hanapin ang dragon.
Hindi natuwa ang dragon nang marinig ang balak ni Prahnbun,
ngunit napapayag din itong bigyan niya si Prahnbun ng makapangyarihang lubid na
siyang panghuhuli niya sa Prinsesa Manorah. Nagpasalamat ang binata at
patakbong umalis na dala-dala ang makapangyarihang lubid at patagong tinungo
ang ilog kung saan naglalaro ang mga kinnaree.
Habang abala sa paglalaro ang mga kinnaree, inihagis ni
Prahnbun ang lubid at matagumpay na nahuli si Prinsesa Manorah. Ganun na lamang
ang pagkaawa ng ibang mga kapatid ng prinsesa. Ngunit sila’y walang nagawa
kundi agad-agad na lumipad dahil sa takot na sila rin ay paghuhulihin.
Itinali nang mahigpit ni Prahnbun ang pakpak ni Prinsesa
Manorah upang hindi makawala at tuluyang madala pabalik sa Udon Panjah at
maibigay kay Prinsipe Suton na noo’y naglalakbay rin sakay sa kabayo papunta sa
kagubatan. Nakasalubong niya si Prahnbun dala-dala si Prinsesa Manorah.
Agad-agad na naakit sa kagandahan ni Prinsesa Manorah ang prinsipe.
Nang isalaysay ni Prahnbun kay Prinsipe Suton ang dahilan
kung bakit niya hinuli at dinala ang prinsesa sa harap niya, nagpasalamat ang
prinsipe at binayaran siya nito ng napakalaking halaga.
Nagbalik ang prinsipe sa kaniyang palasyo dala-dala si
Prinsesa Manorah kung saan umusbong ang isang tunay na pag-ibig sa isa’t isa.
Nang sabihin ng prinsipe sa kaniyang inang prinsesa at amang hari ang buong
pangyayari, masayang-masaya sila at agad-agad nagbalak na magsagawa ng kasal
para kina Prinsipe Suton at Prisesa Manorah.
Bumalik sila sa palasyo ng Udon Panjah kung saan isinagawa
ang kasal at tuluyang namuhay nang masaya’t matiwasay habambuhay.
Ang Buwang Hugis-Suklay
(Isinalin sa Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta)
Noong unang panahon, may isang mangingisda na nagpaalam sa kaniyang
asawa na lumuwas sa kabayanan upang mamili ng mga gamit sa pangingisda.
Nagpabili ang kaniyang asawa ng
kendi para sa kaniyang anak na lalaki, at isang suklay na hugis buwan.
Sinabi ng kaniyang asawa na upang hindi niya makalimutan, tumingala
lamang siya sa kalangitan at makikita niya ang buwang hugis-suklay.
Sa araw na iyon, ang buwan ay talaga namang magsisimula nang maging
hugis-suklay.
Nagsimulang humayo ang mangingisda at matapos ang maraming araw at gabi
ng paglalakbay, narating niya ang kabayanan.
Agad-agad niyang binili ang mga kagamitan sa pangingisda at ang kendi
para sa anak. Ngunit sa kasamaang palad, nakalimutan niya ang ipinagbilin ng
asawa na dapat bilhin. Naghalughog siya sa buong tindahan upang maalala lamang
niya ang ipinabili ng asawa. Napansin ito ng tagapangalaga ng tindahan.
“Maaari ko po ba kayong tulungan?,” tanong ng tagapangalaga sa
mangingisda.
“Hinahanap ko ang ipinabibili ng aking mahal na asawa.” tugon naman
niya.
“Pampapula ho ba ng labi?”
“Hindi.”
“Pitaka?”
“Hindi rin.”
“Unan?”
“Unan? Naaalala ko na! Sinabi niyang tumingala ako sa buwan.” Masayang
tugon ng mangingisda. (Sa orihinal na teksto, ginamit ang salitang spoon upang
magkasintunog sa moon. Sa salin na ito, ginamit ng tagapagsalin ang salitang
unan upang maging magkasintunog sa salitang buwan.)
Tumingala ang tagapangalaga at nakita ang bilog na bilog na buwan na
siya ring nakita ng mangingisda sa kaniyang pagdating sa kabayanan mula sa
mahabang paglalakbay.
“Alam ko na. Makikipagpustahan ako sa ‘yo. Ito ang gusto ng asawa mong
bilhin mo para sa kaniya,” panghahamon ng tagabantay ng tindahan.
Agad-agad na inilagay ng tagabantay ang bilog na bagay sa isang supot.
Binayaran ito ng mangingisda at lumisan.
Sa kaniyang pagdating, nadatnan niya ang nag-aabang niyang asawa, anak,
ang kaniyang ina at ama.
“Kumuha ka ng kendi,” ang sabi niya sa kaniyang anak.
“Natandaan mo ba kung anong ipinabili ko sa ‘yo?,” ang tanong ng
kaniyang asawa.
Masayang itinuro ng mangingisda ang lukbutan na kinalalagyan ng
kaniyang binili para sa asawa.
“Wala naman dito ang suklay na hugis-buwan,” pasigaw na sabi ng asawa.
Lumapit ang mangingisda sa kinalalagyan ng lukbutan, dinukot ang supot
at inabot sa asawa.
Pinunit ng asawa ang supot at nakita ang sarili sa salamin kasabay ng
panghahamak.
Ganoon na lamang ang pagkabigla ng mangingisda sa naging reaksiyon ng asawa.
“Bakit ka nagdala ng mia noi? Ito’y isang pang-aalipusta!” pasigaw ng
asawa.
(Ang mia noi ay mga salitang Lao na katumbas ng pangalawang asawa na
mas bata sa unang asawa. Ito’y bahagi ng lipunang Thai at Lao.)
Hinablot ng ina ng lalaki ang salamin at nagwika.
“Nakakadiri ka nga. Nagdala ka ng mia noi, na napakatanda na at
nangungulubot pa. Paano mo ito nagagawa?”
Tumayo ang kaniyang anak na noo’y nakaupo malapit sa kaniyang lola at
hinablot ang salamin.
“Lolo, tingnan ninyo. Kinuha niya ang aking kendi at kinakain pa.”
pagalit na sabi ng bata.
“Tingnan ko nga ang masamang taong ito.” Hinablot ng lolo ang salamin
mula sa bata. “Iniismiran pa ako ng kontrabidang ito! Sasaksakin ko nga ng
aking patalim.”
Inilapag sa sahig ng lolo ang salamin at inundayan ng saksak.
“Sasaksakin din niya ako!” sigaw ng lolo.
Nang makita ito ng lolo, siya’y galit na galit na sinaksak ang salamin
at tuluyang nabasag.
“Ngayon ay hindi ka na makagagambala pa sa kahit sino!” ang sabi ng
lolo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento