Linggo, Agosto 3, 2014

Paglalarawan

"Mayroon akong gusto.Siya isang lalaking ubod ng gwapo. Ang pangangatawan niya ay kasing kisig ng kay Hercules. Ang kaniyang tinig ay napakalambing na sa tuwing ito'y aking maririnig parang nais na ng mga mata kong pumikit. Ang kaniyang mga bilugang mata ay ubod na rikit, sa tuwing ako'y mabibigyan ng pagkakataong masilayan ang mga ito, para aong nakatingin sa kalawakan sa sobrang itim nito at minsan ay animo'y kukislap sa tuwing siya ay masaya. Ubod din siya ng talino... sa sobrang talino ay kaya niyang isolve ang isang math problem na aabutin siguro ako ng isang araw para masagutan sa loob lamang ng isang minuto..."

Nakakabighani diba? Wag ka, akin na yan. Sa ganda ng pagkakalarawan nais mo na ba siyang makita o makilala?

Iyan ang naitutulong ng mga salitang naglalarawan... Tinutulungan tayo nitong makita ang imahe ng ating nababasa o naririnig sa ating mga isipan. Pinapagana nito ang ating imahinasyon. Mas madali din nating maiintindihan ang nais iparating nang may akda. Kaya dapat lamang na gamitin natin ng wasto ang mga salitang naglalarawan... :)


Aralin 1.3

Bahagi ng Tulang Elehiya Para kay Ram
Ni Pat V. Villafuerte
Kung ang kamatayan ay isang mahabang paglalakbay
Di mo na kailangang humakbang pa
Sapagkat simula’t simula pa’y pinatay ka na
Ng matitigas na batong naraanan mo
Habang nakamasid lamang
Ang mga batang lansangang nakasama mo
Nang maraming taon.
Silang nangakalahad ang mga kamay
Silang may tangang kahon ng kendi’t sigarilyo
Silang may inaamoy na rugby sa madilim na pasilyo.
Sa pagitan ng maraming paghakbang at pagtakbo
Bunga ng maraming huwag at bawal dito
Sa mga oras na nais mong itanong sa Diyos
Ang maraming bakit at paano
Ay nanatili kang mapagkumbaba at tanggaping ikaw’y tao
At tanggapin ang uri ng buhay na kinagisnan mo.
Buhay na hindi mo pinili dahil wala kang mapipili.
Buhay na di mo matanggihan dahil nasa mga palad mo
Ang pagsang-ayon, ang pagtango at pagtanggap
Bilang bagong ama ng lima mong nakababatang kapatid.


Pagninilaynilay : Ang tula ay nagpapahayag ng damdamin ng may akda para sa batang si Ram. Ang kaniyang pagka-awa dito dahil sa mga nararanasan nito sa kabila ng mura nitong edad.



“Kultura: Ang Pamana ng Nakaraan,Regalo ng Kasalukuyan, at Buhay ng

Kinabukasan”
 Pat V. Villafuerte



NOON, ang bawat paghakbang ay isang pagtalunton,
isang pagtahak sa matuwid na landas upang marating ang paroroonan
gaano man ito kalapit, gaano man ito kalayo
gaano man ito kakitid, gaano man ito kalawak
kaunti man o marami ang mga paang humahakbang
mabagal man o mabilis, pahintu-hinto man o tuloy-tuloy
ang bawat paghakbang ay may patutunguhan.
ang bawat paghakbang ay may mararating.
ang bawat paghakbang ay may pagsasakatuparan.
hindi na mabilang ang paghakbang na naganap sa ating kasaysayan
paghakbang na pinuhunanan ng pawis, dugo at luha
paghakbang na kinamulatan ng maraming pagsubok,
pangamba at panganib

mula pa sa panahon ng kawalang-malay
hanggang sa panahon ng walang humpay na pananakop,
digmaan at kasarinlan
at hanggang sa kontemporaryong panahon ng makinasyon
sumibol ang kayraming kulturang sinangkutsa sa ating diwa’t kamalayan
kulturang may ritmo ng pag-awit, may kislot ng pagsayaw,
may haplos ng pag-aalay, may lambing ng panunuyo
at tangis ng pamamaalam.
ito ang ating tinalunton, ito ang bunga ng ating paghakbang:
ang kulturang ipinamana sa atin ng nakaraan.
NGAYON, sa panahon ng pagkamulat at maraming pagbabago,
binhing nakatanim ang maraming kulturang
nag-uumapaw sa ating diwa
nagbabanyos sa ating damdamin
nag-aakyat sa ating kaluluwa
sinubok ng maraming taon
inalay sa mga bagong sibol ng panahon
anumang kulay, anumang lahi, anumang edad, anumang kasarian
ang kultura’y pinayayabong
nang may halong sigla at tuwa,
nang may kasalong pagsubok at paghamon
kulturang sinusuyod ng kapuri-puring ugali at marangal na kilos
kulturang inihahain ng pagsamba’t prusisyon
kulturang sinasalamin ang pasko’t pistang-bayan
kulturang pinaaawit ng pasyon at pagsasabuhay ng Poon
kulturang patuloy na sumisibol at ipinapupunla ng tradisyon:
pampamilya, pang-eskuwela, pampolitika, panrehiyon at pambansa
na dinilig ng maraming pagpapaalala, paggabay at patnubay
at pinayaman ng makukulay na karanasan
kulturang inihain at tinanggap, sinunod at isinakatuparan
ito ang regalo ng kultura
regalo ng kasalukuyan.
BUKAS, ang kulturang itinudla ng nakaraan
at inireregalo ng kasalukuyan ay bubuhayin ng kinabukasan
at mananatiling repleksyon ng kabutihan
kulturang gagalang sa mga bata’t matanda
kulturang rerespeto sa mga babae’t may kapasanan
kulturang luluklok ng pagbabayanihan at pagkakapatiran
kasaliw ng mga awiting bayan at katutubong sayaw
katali ng pagsasadula’t pagbabalagtasan
diwang marangal ang ipupunla. kariringgan ng maraming wika
magkakapantay sa kalayaan at karapatan
magsasama-sama, magkakapit-bisig, magtutulung-tulungan
habang patuloy na humahakbang upang galugarin pa
ang kulturang pagyayamanin ng ating lahi
ng lahing magiting
ng lahing kapuri-puri
ng lahing marangal.


Pagninilaynilay :  Ang tula ay nagpapakita kung paano nabuo ang taing kultura . Mga kulturang namana at umusbong sa paglipas na panahon.

Sitti Nurhaliza: Ginintuang Tinig at Puso ng Asya
ni Jan Henry M. Choa Jr.

Isa sa pinakamahusay na mang-aawit sa Asya si Sitti Nurhaliza mula
sa bansang Malaysia. Nagkamit siya ng iba’t ibang parangal sa pag-awit hindi
lamang sa kaniyang bansa kundi maging sa pang-internasyunal na
patimpalak. Isa na rito ang titulong “Voice of Asia” nang makamit niya ang
Grand Prix Champion mula sa Voice of Asia Singing Contest na ginanap sa
Almaty, Kazakhstan.
Labing-anim na taong gulang siya nang pumasok sa larangan ng pagawit.
Dahil sa likas na talento sa pag-awit, narating niya ang rurok ng
tagumpay bilang multiple-platinum selling artists sa Malaysia. Sinundan ito ng
mga di-mabilang na pagkilala mula sa mga prestihiyosong gawad-parangal
tulad ng MTV Asia, Channel V, Anugerah Juara Lagu Malaysia.
Hindi lamang sa pag-awit nakilala si Sitti. Siya rin ay isang manunulat
ng awit, record producer, presenter o modelo at mangangalakal. Sa
katunayan, siya ay nagmamay-ari ng produktong Ctea, isang tsaa sa
Malaysia. Mayroon din siyang sariling production company, Sitti Nurhaliza
Production na nasa larangan ng entertainment.
Siya rin ay itinuturing na isa sa
pinakamaimpluwensyang tao at pinakamayamang
artista sa Malaysia.. Sa kabila ng pagiging sikat at
mayaman ay hindi nalilimutan ni Sitti Nurhaliza ang
magkawanggawa. Nakikibahagi at nakikiisa siya sa
maraming gawaing-kawanggawa sa loob at labas
ng Malaysia. Ito ay isa sa maganda niyang
katangian. Marunong siyang tumulong sa kaniyang
kapuwa bilang pagbabalik-biyaya sa kaniyang mga
tinatamasa.
Tunay na ipinagmamalaki si Sitti Nurhaliz ang kaniyang mga
kababayan bilang Asyano na may sadyang husay sa pagkanta at may
natatanging kontribusyon sa larangan ng musika. Ang kaniyang magandang
tinig at mabuting kalooban bilang isang babaeng Muslim na mang-aawit ay
isa lamang sa mga katangiang nagugustuhan ng kaniyang mga tagatangkilik.
Isang idolo na may ginintuang tinig at ginintuang puso ng Asya.


Pagninilaynilay : Ang akda ay tungkol sa isang babae na uod ng galing kumanta. At ang kanyang ubod din ng bait na pag-uugali .

Aralin 1.2

Ang Alamat ni Prinsesa Manorah(Isinalin sa Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta)


Isang alamat na pasalin-salin sa iba’t ibang panahon at henerasyon mula noong panahon ng Ayutthaya at nagbigay-inspirasyon kay Haring Rama V ng Thailand.
Si Kinnaree Manorah ay isang prinsesa ng alamat ng Thai at ang pinakabata sa pitong anak na kinnaree ng Haring Prathum at Reynang Jantakinnaree. Siya ay nakatira sa maalamat na kaharian ng Bundok Grairat. Ang pitong kinnaree ay kalahating babae at kalahating sisne. Sila’y nakalilipad at nagagawang itago ang kanikanilang pakpak kung kanilang nanaisin.
Sa loob ng kahariang Krairat (Grairat), nakatago ang kagubatan ng Himmapan kung saan din namamahay ang mga nakatatakot na nilalang na hindi kilala sa daigdig ng mga tao.
Sa loob ng kagubatan, nakakubli ang maganda at kaaya-ayang lawa kung saan ang pitong kinnaree ay masayang dumadalaw lalo na sa araw ng Panarasi (kalakihan ng buwan). Sa di-kalayuan ng lawa, nakatira ang isang ermitanyo na nagsasagawa ng kaniyang meditasyon.
Isang araw, napadako ang isang binata habang naglalakbay sa kagubatan ng Himmapan. Siya ay si Prahnbun. Nakita niya ang pitong kinnaree na masayang nagtatampisaw sa ilog. Namangha siya sa nakabibighaning kagandahan ni Prinsesa Manorah. Naisip niya na kung mahuhuli niya ang prinsesa, dadalhin niya ito kay Prinsipe Suton, ang anak ng Haring Artityawong at Reyna Jantaivee ng Udon Panjah. Tiyak na matutuwa ang prinsipe at tuluyang mapapaibig ito sa prinsesa. Ngunit naitanong niya sa sarili kung paano niya ito mahuhuli.
Alam ni Prahnbun na may ermitanyong nakatira sa malapit ng kagubatan. Pinuntahan niya ito upang magpatulong sa kaniyang balak. Sinabi sa kaniya ng ermitanyo na napakahirap ang manghuli ng kinnaree dahil agad-agad itong lumilipad kapag tinatakot. Ngunit naisip ng ermitanyo na may isang dragon na nakatira sa pinakasulok-sulukan ng kagubatan na maaaring makatulong sa kanila. Nagpasalamat ang binata sa ermitanyo at nagmamadaling lumisan upang hanapin ang dragon.
Hindi natuwa ang dragon nang marinig ang balak ni Prahnbun, ngunit napapayag din itong bigyan niya si Prahnbun ng makapangyarihang lubid na siyang panghuhuli niya sa Prinsesa Manorah. Nagpasalamat ang binata at patakbong umalis na dala-dala ang makapangyarihang lubid at patagong tinungo ang ilog kung saan naglalaro ang mga kinnaree.
Habang abala sa paglalaro ang mga kinnaree, inihagis ni Prahnbun ang lubid at matagumpay na nahuli si Prinsesa Manorah. Ganun na lamang ang pagkaawa ng ibang mga kapatid ng prinsesa. Ngunit sila’y walang nagawa kundi agad-agad na lumipad dahil sa takot na sila rin ay paghuhulihin.
Itinali nang mahigpit ni Prahnbun ang pakpak ni Prinsesa Manorah upang hindi makawala at tuluyang madala pabalik sa Udon Panjah at maibigay kay Prinsipe Suton na noo’y naglalakbay rin sakay sa kabayo papunta sa kagubatan. Nakasalubong niya si Prahnbun dala-dala si Prinsesa Manorah. Agad-agad na naakit sa kagandahan ni Prinsesa Manorah ang prinsipe.
Nang isalaysay ni Prahnbun kay Prinsipe Suton ang dahilan kung bakit niya hinuli at dinala ang prinsesa sa harap niya, nagpasalamat ang prinsipe at binayaran siya nito ng napakalaking halaga.
Nagbalik ang prinsipe sa kaniyang palasyo dala-dala si Prinsesa Manorah kung saan umusbong ang isang tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Nang sabihin ng prinsipe sa kaniyang inang prinsesa at amang hari ang buong pangyayari, masayang-masaya sila at agad-agad nagbalak na magsagawa ng kasal para kina Prinsipe Suton at Prisesa Manorah.
Bumalik sila sa palasyo ng Udon Panjah kung saan isinagawa ang kasal at tuluyang namuhay nang masaya’t matiwasay habambuhay.


Pagninilaynilay :  Ang Alamat na ito ay isang alamat na pinaniniwalan at hanggang ngayon ay ipinagdidiwang pa din sa Thailand. Ito ay tungkol sa isang magandang prinsesa. Ipinapakita ng istorya ang kaibahan ng alamat ng Pilipinas sa mga alamat sa Thailand. 



Ang Buwang Hugis-Suklay
(Isinalin sa Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta)

Noong unang panahon, may isang mangingisda na nagpaalam sa kaniyang asawa na lumuwas sa kabayanan upang mamili ng mga gamit sa pangingisda.
 Nagpabili ang kaniyang asawa ng kendi para sa kaniyang anak na lalaki, at isang suklay na hugis buwan.
Sinabi ng kaniyang asawa na upang hindi niya makalimutan, tumingala lamang siya sa kalangitan at makikita niya ang buwang hugis-suklay.
Sa araw na iyon, ang buwan ay talaga namang magsisimula nang maging hugis-suklay.
Nagsimulang humayo ang mangingisda at matapos ang maraming araw at gabi ng paglalakbay, narating niya ang kabayanan.
Agad-agad niyang binili ang mga kagamitan sa pangingisda at ang kendi para sa anak. Ngunit sa kasamaang palad, nakalimutan niya ang ipinagbilin ng asawa na dapat bilhin. Naghalughog siya sa buong tindahan upang maalala lamang niya ang ipinabili ng asawa. Napansin ito ng tagapangalaga ng tindahan.
“Maaari ko po ba kayong tulungan?,” tanong ng tagapangalaga sa mangingisda.
“Hinahanap ko ang ipinabibili ng aking mahal na asawa.” tugon naman niya.
“Pampapula ho ba ng labi?”
“Hindi.”
“Pitaka?”
“Hindi rin.”
“Unan?”
“Unan? Naaalala ko na! Sinabi niyang tumingala ako sa buwan.” Masayang tugon ng mangingisda. (Sa orihinal na teksto, ginamit ang salitang spoon upang magkasintunog sa moon. Sa salin na ito, ginamit ng tagapagsalin ang salitang unan upang maging magkasintunog sa salitang buwan.)
Tumingala ang tagapangalaga at nakita ang bilog na bilog na buwan na siya ring nakita ng mangingisda sa kaniyang pagdating sa kabayanan mula sa mahabang paglalakbay.
“Alam ko na. Makikipagpustahan ako sa ‘yo. Ito ang gusto ng asawa mong bilhin mo para sa kaniya,” panghahamon ng tagabantay ng tindahan.
Agad-agad na inilagay ng tagabantay ang bilog na bagay sa isang supot. Binayaran ito ng mangingisda at lumisan.
Sa kaniyang pagdating, nadatnan niya ang nag-aabang niyang asawa, anak, ang kaniyang ina at ama.
“Kumuha ka ng kendi,” ang sabi niya sa kaniyang anak.
“Natandaan mo ba kung anong ipinabili ko sa ‘yo?,” ang tanong ng kaniyang asawa.
Masayang itinuro ng mangingisda ang lukbutan na kinalalagyan ng kaniyang binili para sa asawa.
“Wala naman dito ang suklay na hugis-buwan,” pasigaw na sabi ng asawa.
Lumapit ang mangingisda sa kinalalagyan ng lukbutan, dinukot ang supot at inabot sa asawa.
Pinunit ng asawa ang supot at nakita ang sarili sa salamin kasabay ng panghahamak.
Ganoon na lamang ang pagkabigla ng mangingisda sa naging reaksiyon ng asawa.
“Bakit ka nagdala ng mia noi? Ito’y isang pang-aalipusta!” pasigaw ng asawa.
(Ang mia noi ay mga salitang Lao na katumbas ng pangalawang asawa na mas bata sa unang asawa. Ito’y bahagi ng lipunang Thai at Lao.)
Hinablot ng ina ng lalaki ang salamin at nagwika.
“Nakakadiri ka nga. Nagdala ka ng mia noi, na napakatanda na at nangungulubot pa. Paano mo ito nagagawa?”
Tumayo ang kaniyang anak na noo’y nakaupo malapit sa kaniyang lola at hinablot ang salamin.
“Lolo, tingnan ninyo. Kinuha niya ang aking kendi at kinakain pa.” pagalit na sabi ng bata.
“Tingnan ko nga ang masamang taong ito.” Hinablot ng lolo ang salamin mula sa bata. “Iniismiran pa ako ng kontrabidang ito! Sasaksakin ko nga ng aking patalim.”
Inilapag sa sahig ng lolo ang salamin at inundayan ng saksak.
“Sasaksakin din niya ako!” sigaw ng lolo.
Nang makita ito ng lolo, siya’y galit na galit na sinaksak ang salamin at tuluyang nabasag.


“Ngayon ay hindi ka na makagagambala pa sa kahit sino!” ang sabi ng lolo.


Aralin 1.1

Ang Ama(Isinalin sa Filipino ni Mauro R. Avena)

Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala ng isang lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa'y inuuwi ng ama - malaking supot ng mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kanina pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng kaniya-kaniyang parte ang lahat - kahit ito'y sansubo lang ng masarap na pagkain, sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.
Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan.
Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad nito - sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila'y masayang nakiupo sa kanila't kumain ng kaunti.
Pero hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at ngayo'y hindi nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang katunaya'y ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo'y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ng ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung may brown na supot na nakabitin sa tali sa mga daliri nito.
Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw at padabog-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata'y magsisiksikan, takot na anumang ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha. Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya mahihiya itong lumabas upang maglaba sa malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa at malakas na bulalas na pag-ungol mula sa kanilang ama at sila'y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.
Kapag umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila'y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa galis na nagkalat sa kaniyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga patse, gayong pauli-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis talaga ay ang kaniyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tumatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, namamaluktot nang pahiga sa banig kasama ang ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa kaniya ang pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa ina na pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama, napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito'y nakabubulahaw na sisigaw, at kung hindi pa iyon huminto, ito'y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon nang buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kaniyang kabuwisitan.
Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil asisante sa kaniyang trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahahabang halinghing at hindi mapatahan ng dalawang pinakamatandang bata gayung binalaan nilang papaluin ito. Walang ano-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.


Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo roon sa tabi ng gulod. Ilan sa taganayon na nakatatanda sa sakiting bata ay dumating upang makiramay. Sa ama na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay medaling nakarating sa kaniyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao, na noon di'y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng kaniyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kaniyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling libangin.
Ngayo'y naging napakalawak ang kaniyang awa sa sarili bilang isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala sa panahong pagkamatay ng kaniyang dugo at laman. Mula sa kaniyang awa sa sarili ay bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na bata, kaya madalamhati siyang nagtatawag, "Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!" Nakita niya ito sa libingan sa tabi ng gulod - payat, maputla, at napakaliit - at ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga kapit-bahay, na ang iba'y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong, "Maaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang bata".
Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kaniyang mga luha at saka tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kaniyang amo sa asawa (na kiming iniabot naman ito agad sa kaniya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastusin sa alak. Hindi na kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kayo pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga bote ng beer.
Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit itong malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba'y kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. May supot ng ubas at isang kahon yata ng biskwit. Nagtaka ang mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi ng pinakamatandang lalaki'y biskwit; nakakita na siyang maraming kahon tulad niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay kendi,'yong katulad ng minsa'y ibinigay nila ni Lau Soh, na nakatira roon sa malaking bahay na pinaglalabhan ng nanay. Ang kambal ay nagkasiya sa pandidilat at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya nagtalo at nanghula ang mga bata. Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa ama. Inip silang lumabas ito ng kaniyang kuwarto.
Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang malaking supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na wari'y kanila na sana, nagbulingan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi sila maririnig ng ama. "Tingnan natin kung saan siya pupunta." Nagpumilit na sumama ang kambal at ang apat ay sumunod nang malayo-layo sa ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang bumalik sa bahay, pero ngayo'y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi man lang sila napuna.
Dumating ito sa libingan sa tabing gulod. Kahuhukay pa lamang ng puntod na kaniyang hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot na dahan-dahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita, "Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga ito. Sana'y tanggapin mo." Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang nagmamasid sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata. Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit anumang saglit, pero patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan sa katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina pang inip na inip na mga bata ay dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas nagsalo-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang ‘di nila mararanasang muli.

Pagninilaynilay : Ang storya ay sumasalamin sa kultura ng Thailand kung saan sila ay marunong magpatawad sa kabila ng mga nagawa ng isang tao. Ipinapakita din nito na nasa huli na ang pagsisisi.



Anim na Sabado ng Beyblade (Bahagi Lamang)ni Ferdinand Pisigan Jarin


Unang Sabado ng paglabas niya nang hilingin na niyang magdiwang ng kaarawan kahit hindi pa araw. Nangumbida ako ng maraming tao kasabay ng biling ‘wag kalimutan ang regalo at pagbati ng “Happy Birthday,Rebo!”. Kailangang di niya malimutan ang araw na ito. Dapat pinakamasaya ang Sabadong ito sa lahat ng Sabado. Maraming-maraming laruan. Stuffed Toys, Mini-Helicopter, Walkie-Talkie, Crush Gear, Remote Controlled Cars, at higit sa lahat, ang Beyblade. Ang paborito niyang Beyblade. Maraming-maraming Beyblade. Tinanggap niya ang lahat ng ito at marami pang iba sa kaniyang kaarawan. Sa kaniyang pagtuntong sa limang taon. Kahit di totoo. Kahit hindi pa araw.
Ikalawang Sabado, naki-bertdey naman siya. Pagkatapos ay muling naglaro ng beyblade kasama ang mga pinsan.
Tatlong araw bago dumating ang ikatlong Sabado, sorpresa ko siyang dinalaw. Unti-unti na siyang nanghihina. Bihira na siyang ngumiti. Hindi na niya makuhang laruin ang beyblade bagamat ayaw niya itong bitiwan sa loob ng kaniyang kamay o di kayay bulsa. Ang nakapagngangalit, unti-unti na namang nalalagas ang kaniyang buhok. Subalit pinipilit pa rin niyang maging malakas bagamat talagang di na kaya ng kaniyang paang tumayo ng kahit ilang sandali man lang. Nakadudukot na rin siya ng mga matitigas na butil ng dugo sa loob ng kaniyang gilagid.
Sa labas ng bahay na kanilang tinitirhan, lubos kong ikinagulat nang tanungin niya ako ng; “Tay, may peya a?” (Tay, may pera ka?) Dali-dali kong hinugot at binuksan ang aking pitaka at ipinakitang mayroon itong laman. Agad akong nagtanong kung ano ang nais niya na sinagot naman niya ng agarang pagturo sa isang kalapit na tindahan. Kung mabilis man akong nakabili ng mga kending kaniyang ipinabili, mas mabilis siyang umalis agad sa tindahan at nakangiting bumalik sa aming kinauupuan. Naglalambing ang aking anak. Nang kami’y pumasok na sa loob ng bahay, naiwang nilalanggam na ang nakabukas ngunit di nagalaw na mga kendi sa aming kinaupuan.
Tuluyan na siyang nakalbo pagsapit ng ikatlong Sabado. Subalit di na kusang nalagas ang mga buhok. Sa kaniyang muling pagkairita, sinabunutan niya ang kanyang sarili upang tuluyang matanggal ang mga buhok. Nang araw na iyon, kinumbida ng isa kong kasama sa trabaho ang isang mascot upang bigyan ng pribadong pagtatanghal si Rebo nang walang bayad. Matapos ang pagtatanghal, bagamat di man lang siya makangiti at makatawa, kitang-kita sa kaniyang mata ang kasiyahan. Isang kasiyahang unti-unting humina at nawala.
Di na maikakaila ang mabilis na pagkapawi ng lakas ng aking anak pagsapit ng ikaapat na Sabado. Di na niya makuha pang ipasok ang pisi ng beyblade upang mapaikot ito. Ramdam na ang pagod at hingal sa kaniyang pagsasalita. Kaya kahit nang dalhin ko siya sa isang karnabal, isa lamang ang ninais niyang sakyan. Ang mga maliliit na helicopter na tumataas at bumababa ang tila oktupos na galamay na bakal. At sa tuwing tataas, hahanapin ako ng tingin sa baba at malungkot na ngingitian. Pagkababa, mabilis na siyang nagyayang umuwi. At pagkauwi’y humiga nang humiga at paulit-ulit na tumingin sa kawalan.
Huling Sabado ng Pebrero ang ikalimang Sabado. Eksaktong katapusan. Kasabay ng pagtatapos ng Pebrero ay pumanaw ang aking anak. Ilang sandali matapos ang sabay na paglaglag ng luha sa kaniyang mga mata at pagtirik ng mata, ibinuga niya ang kaniyang huling hininga. Namatay siya habang tangan ko sa aking bisig. Hinintay lamang niya ang aking pagdating. Di na kami nakapag-usap pa dahil pagpasok ko pa lang ng pintua’y pinakawalan na niya ang sunod-sunod na palahaw ng matinding sakit na di nais danasin ng kahit sino.
“Sige na, Bo. Salamat sa apat na taon. Mahal ka namin. Paalam.”

Ikaanim na Sabado nang paglabas ni Rebo sa ospital. Huling Sabado na masisilayan siya ng mga nagmamahal. Wala na ang beyblade at ang may-ari nito. Payapa na silang nakahimlay sa loob ng kabaong. Magkasamang tutungo sa lugar na walang sakit, walang gutom, walang hirap. Payapang magpapaikot at iikot. Maglalaro nang maglalaro. Habang kaming mga naiwan ay paglalabanan at pagaaralang tanggapin ang kirot ng pagkalungkot.

Pagninilaynilay : Ang istoryang ito ay nagpapakita na kailangan nating tanggapin ang kamatayan. Kagaya ng pagtanggap na pamilya ni Rebo na siya ay malapit ng pumanaw.