Aking minamahal na blog,
Nalalapit na ang aming pagsusulit sa markahang ito. At pabilis na rin ng pabilis ang aming talakayan sa Filipino. Ang linggong ito ay napaka-abala. Marami ang wala sa aming klase sa kadahilanang nangangampanya para sa darating na 'SSG Election 2015'. Sa pagbubukas ng linggo ay aming binalikan ang naiwang katanungan noong nakaraan. Kung si Crisostomo Ibarra ba ay biktima ng pagkakataon. Ang aking kasagutan dito ay oo. Naisip ko na ang pinagugatan ng mga kasawian at pagsubok sa buhay ni Ibarra ay ang inggit na nadarama ni Padre Damaso sa kaniya. Inggit na hindi naman niya pananagutan at dahil lamang ito sa kaniyang ama. Kung sakali mang hindi siya anak ni Don Rafael ay malamang na hindi pipigilan ni Padre Damaso ang kaniyang mga hangarin at hindi nito tututulan ang pagiibigan nila ni Maria Clara. Sa nobela ay mahihinuha na wala namang ginagawang masama si Crisostomo ngunit malaki pa rin ang galit sa kaniya. Matapos nito ay nagsagawa kami ng isang 'mock trial'. Kung saan kinakailangan naming litisin si Ibarra at Elias. Kung tama ba ang ginawa nilang pagtakas. Ito ay naging kawili-wili. Naipahayag ng mga nagsipag-ganap ang kanilang mga saloobin. Nakatulong din ito na lubos naming mauunawaan ang nobelang amin pinag-aaralan. Sa huli ay nagkaroon kami ng isang katamtamang pagsusulit. Dito kinailangan naming suriin kung aling kabanata ang nagpapakita kay Crisostomo bilang isang tapat na mangingibig at ang mga kabanatang magpapakita ng kaniyang mga hangarin. Dadako naman kami sa susunod na talakayan, ang tungkol kay Elias...Nawa'y samahan mo pa ako aking kaibigan.
Nagmamahal,
Camille
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento