Sabado, Enero 17, 2015

Ikaapat na Markahan, Unang Linggo (Enero 13-17, 2015)


Aking minamahal na blog,

Ako ngayu'y sumusulat habang patuloy ang pagbagsak ng ulan sa bubong ng aming tahanan. Nais kong ikwento ang mga nangyari sa aming unang linggo sa ikaapat na markahan. Ngunit bago iyon nais ko munang ibahagi ang mga aking damdamin sa pagdating nito. Kay bilis ng panahon at hindi ko namalayang malapit na palang magtapos ang aking ika siyam na taon sa pag-aaral, kaya naman naisipan kong mas pagbutiin at ibigay na ang aking lubos na makakaya sa mga gawaing inaatas sa akin bilang estudyante. Isa na dito ang pagbutihin ang laman ng aking blog. Ang unang linggong ito ay hindi pa gaanong kabigat. Ibinigay sa amin ni Gng. Mixto ang mga proyektong gagawin namin para sa markahang ito. Una itong ibinibigay ng aming guro upang mabigyan kami ng mahabang pagkakataon na mapaghandaan ito. Bilang mga mag-aaral sa ilalim ng kurikulum na K-12 ang mga pinagagawa sa amin ay nakatuon hindi lamang sa kaalaman kung hindi sa mga kasanayan sa paggawa ng mga produkto. Ilan lamang sa mga ito ay ang paggawa ng movie trailer, short film, commercial at kung anu-ano pa. Biro nga ng isa sa aming kakaklase na bago pa man kami magtapos ay mga artista na kami. Ngayong markahan nakatuon kami sa pag-aaral sa Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal. Isang nobelang malaki ang ginampanan sa kasaysayan ng ating bansa. At dito rin mababase ang aming gagawing short film. Ako ay nananabik na na matutunan at masilip ang akdang ito. Hanggang dito na lamang... sa aking mulin pagsulat aking blog....
                                         
                                                                                                                                                                      Iyong may-ari,                                                                             Camille Vivar 

Sabado, Enero 10, 2015

Ikawalong Linggo

Para sa huling linggo ng aming pag-aaral, tinalakay namin ang sanaysay. Nangagahulugan ito na 'salaysay ng isang sanay'. Tinalakay namin ang mga elemento nito na ang mga sumusunod : paksa, tono, kaisipan.  Tinalakay din namin ang apat na teksto nito na, nagsasalaysay, nagbibigay impormasyon, nanghihikayat, at nagbibigay argumento. Natutunan din namin na sa paggawa ng sanaysay, kinakailangan may pamaksang pangungusap at mga pantulong na pangungusap.Nanood din kami ng mga dokumentaryo at nagtala ng ilag impormasyon dito na hinihingi para sa aming takda. Pinag-aralan din namin ulit ang pagpapasidhi ng damdamin.

Ikapitong Linggo

Ngayong Linggo ay kaunti na lamang ang aming oras, sapagkat ito ang huling linggo bago ang bakasyon para sa Pasko. Wala ako sa klase gayundin si Gng. Mixto dahil mayroon kaming training. Ngunit ayun sa aking napagalaman ang tinalakay ngayong linggo ay ang pagpapasidhi ng damdamin. Ito ay isang uri ng pagpapahayag ng  saloobin o emosyon sa paraang pagpapataas ng antas nito. Nagagamit ito sa pamamagitan ng pag-iiba-iba ng mga salitang may magkatulad na kahulugan. Nagbalik aral din sa mga nakaraang akda.

Ikaanim na Linggo

Maraming araw ang nawala sa amin ngayong Linggo. Walang pasok ng dalawang araw dahil sa bagyo, at pagbalik naman namin ay iniexcuse kami mula sa aming klase upang tapusin ang mga dapat gawin para sa dyaryo. Maging si Gng. Mixto ay abala din kaya naman si G. Mixto ang pansamantalang nagturo sa aming klase. Binigyan kami ng gawain na ukol sa 'Dalit kay Maria', at 'Kung Tuyo na Ang Luha Mo Aking Bayan'. May mga katanungang aming kinopya at sinagutan para sa gawaing ito. Sa pagbabalik ni Gng. Mixto ay amin namang tinalakay ang oda at dalit. Aking natutunan na ang Oda ay tula ng pagpupuri at ang Dalit naman ay isang katutubong anyo ng tula, na may walong pantig bawat taludtod, apat na saknong na may isang tugmaan.

Ikalimang Linggo



Ngayong linggo ay dumako kami sa panibagong aralin. Ang Elihiya. Sinimulan namin ito sa pakikinig sa isang mensahe ng isang anak sa kaniyang mga magulang. Ito ay isang madamdaming mensahe kaya naman ninamnam namin ito at pinakinggan nang mabuti. Mayroon ding mga katanungan na aming sinagot ukol sa aming napakinggan. Nagbasa din kami ng ilang halimbawa ng Elihiya tulad ng 'Elehiya sa Kamatayan ni Kuya'.

 Natutunan ko ang mga sumusunod : Ang elihiya ay isang tulang liriko na naglalarawan ng pagbubulay-bulay o guni-guni na nagpapakita ng masidhing damdamin patungkol sa alaala ng isang mahal sa buhay.

 May mga katangian itong :
- Tula ito ng pananangis, alaala at pagpaparangal ng mahal sa buhay.
- Ag himig ay matimpi at pagmumuni-muni at pagdakila.

Ikaapat na Linggo

Ngayong linggong ito ay tinalakay namin ang parabula. At natutunan ko na ang parabula, ay nagmula sa salitang griyego na 'parabole' na nagsasaad ng dalawag bagay na maaaring tao, bagay, hayop lugar o pangyayari. Ginagamit ito upang magpahayag ng aral sa di tuwirang paraan. Kailangang basahin at unawain ng mabuti upang malaman ang nais na iparating na maacxensahe ng isang parabula.  Ang mga parabula ay isinusulat sa patalinghagang paraan. Ang mga talinghaga ay mga pangungusap, parirala o isang salaysay na malalim o hindi tuwirang katuturan, kailangang pag-isipang mabuti. Kadalasang matatagpuan ito sa Bibliya. Isa sa aming mga binasa ay ang 'Ang Talinghaga Tungkol sa May-Ari ng Ubasan” (Mateo 20: 1-16 sa Bagong Tipan) '

Pinagawa din kami ni Gng. Mixto ng sarili naming talinghaga. Ito ay matapos talakayin ang mga dapat isaalang-alang sa pagsulat ng talinghaga.