Aralin 2.1
Bansang Hapon
Ang bansang Hapon
ay kilala sa kanilang pangunguna sa larangan ng teknolohiya.Ang kanilang
kultura ay tinatangkilik sa buong mundo.Isa ang anime sa magpapatunay dito, ang
anime ay pinapanuod sa lahat ng panig ng mundo, isinasalin sa iba't-ibang
lenggwahe at kinagiiliwan ng ano mang edad.Minsan ding sinakop ng mga Hapon ang
Pilipinas noong ikalawang digmaang daigdig, masalimuot ang dinanas ng ating
bansa sa mga panahong iyon, ngunit sa kabila niyon mababakas pa din ang mga
pamana nila sa ating kultura tulad ng pag-aalaga ng bibe.Sa araling ito ating
alamin ang iba pang kultura nila na sinasalamin ng kanilang panitikan...
Tanka at Haiku
Ang tanka at
haiku ay magkaibang uri ng panulaan bagamat pareho itong nagmula sa bansang
Hapon, ito ay may kani-kaniyang katangian.
Ang tanka, isang
uri ng tula na maaaring awitin ay may kabuuang tatlumpo't isang pantig na may
limang taludtod. Nahahati ang pantig sa bawat taludtod sa 7-7-7-5-5, 5-7-7-7-5
o maaring magpalit-palit hanggat nananatili ang kabuuang bilang na tatlumpo't
isa. Ang paksa nito ay pagbabago, pag-iisa at pa-ibig.
Ang haiku naman
ay mas maikli kaysa sa tanka. Mayroon itong tatlong taludtod na may bilang ng
pantig na 5-7-5 o maaari ding magkapalit-palit hangga't napapanatili ang
kabuuang bilang ng pantig na labimpito. Karaniwang tungkol ito sa kalikasan at
pag-ibig.
Mga Halimbawa :
Tanka Haiku
Katapusan ng Aking Tutubi
Paglalakbay
Napakalayo pa nga Hila mo'y tabak
Wakas ng paglalakbay Ang bulaklak nanginig
Sa ilalim ng puno Sa paglapit mo
Tag-init noon
Gulo ang isip
Hindi ko masabi
Hindi ko masasabi Ambong kaylamig
Iniisip mo Maging matsing ay nais
O aking kaibigan Ng kapang damo
Sa dating lugar
Bakas pa ang ligaya
Gramatika :
Ponemang Suprasegmental
Ito ay
makahulugang tunog. Sa paggamit ng suprasegmental, malinaw na naipahahayag ang
damdamin, saloobin, at kaisipang nais ipahayag ng nagsasalita. Sa
pakikipagtalastasan, matutukoy natin ang kahulugan, layunin o intensyon ng
pahayag o ng nagsasalita sa pamamagitan ng diin, tono o intonasyon, at antala o
hinto sa pagbibigkas at pagsasalita.
a. Diin – Ang diin, ang lakas, bigat,
o bahagyang pagtaas ng tinig sa pagbigkas ng isang pantig sa salita. Ang diin
ay isang ponema sapagkat sa mga salitang may iisang tunog o baybay, ang
pagbabago ng diin ay nakapagpapabago ng kahulugan nito. Maaring gamitin sa
pagkilala ng pantig na may diin ang malaking titik.
Mga halimbawa:
a) BU:hay = kapalaran ng tao b)LA:mang = natatangi
bu:HAY =
humihinga pa la:MANG = nakahihigit;
nangunguna
b. Tono / Intonasyon - Ang
pagtaas at pagbaba ng tinig na maaaring makapagpasigla,makapagpahayag ng iba’t
ibang damdamin, makapagbigay-kahulugan, at makapagpahina ng usapan upang higit
na maging mabisa ang ating pakikipag-usap sa kapwa. Nagpalilinaw ito ng mensahe
o intensyong nais ipabatid sa kausap tulad ng pag-awit. Sa pagsasalita ay may
mababa, katamtaman at mataas na tono. Maaaring gamitin ang bilang 1 sa mababa,
bilang 2 sa katamtaman at bilang 3 sa mataas.
Mga halimbawa:
a) Kahapon = 213, pag-aalinlangan
Kahapon = 231,
pagpapatibay, pagpapahyag
b) talaga = 213, pag-aalinlangan
talaga = 231,
pagpapatibay, pagpapahayag
C.Antala/Hinto - Bahagyang pagtigil sa
ating pagsasalita upang higit na maging malinaw ang mensaheng ibig ipahatid sa
kausap.Maaaring gumamit ng simbolo kuwit( , ),dalawang guhit na pahilis (//) o
gitling ( - )
Mga halimbawa:
a) Hindi/ ako si Joshua.
(Pagbigkas ito na ang hinto ay pagkatapos ng HINDI.
Nagbibigay ito ng kahulugan na ang nagsasalita ay nagsasabing siya si Joshua na
maaaring siya’y napagkamalan lamang na si Arvyl.)
b) Hindi ako, si Joshua.
(Pagbigkas ito na ang hinto ay nasa AKO. Pagpapahiwatig
ito na ang kausap ay maaaring napagbintangan ng isang bagay na hindi ginawa.
Kaya sinasabi niyang hindi siya ang gumawa kundi si Joshua)
c) Hindi ako si Joshua.
(Pagbigkas ito na nasa hulihan ang hinto. Nagpapahayag
ito na ang nagsasalita ay nagsasabing hindi siya si Joshua)
Repleksiyon : Masasalamin sa Haiku at Tanka ang pagiging matalino ng
mga Hapon. Sa kakaunting salita ay nagagawa nilang ipahayag ang isang ideya. Sa
iilang salita ay mayroon ng malalim na kahulugan.Ipinaparating ng mga Haiku at
Tanka ang kanilang pananaw sa mga bagay-bagay magmula sa kalikasan o
mapa-damdamin man. Kailangan ding malaman ang tamang pagbigkas sa mga tulang
ito upang mas lubos na maunawaan ang mga ito kaya kailangang pag-aralan ang
ponemang suprasegmental.Sa kaalaman dito ating maiintindihan hindi lamang anmga
tulang ito kundi ang lahat ng panitikan na atin pang pag-aaralan. Kailangan din
na mayroon kang kaalaman sa kanilang kultura upang hindi malito sa mga salitang
kanilang ginagamit...
Aralin 2.2
Bansang Korea
Sa panahon ngayon, sino nga
ba ang hindi nakakikilala sa bansang Korea? Kahit saan ka tumingin tiyak na may
makikita kang mga bagay na impluwensiya ng bansang ito. Magmula sa musika na
pinapatugtug sa mga palabas, eskwelahan o kahit saan pa man lalo na ng mga
kabataan. Sa mga palabas sa telebisyon ay puros mukha din ng koreano ang ating
mapapanuod. Iba't-ibang produkto din nila ang ating tinatangkilik, mapa damit,
pagakain, o pampaganda man ito ay bentang benta sa atin. Hindi lamang sa atin
kundi sa buong mundo. Ang bansang Korea ay talagang patuloy ang pag-unlad.
Naakit ang mga tao sa kanilang makulay na kultura at magagandang pasyalan kaya
naman madami ang hiniling na makapunta sa bansang ito.
Pabula
Ang pabula ay isang maikling kuwentong kathang-isip
lamang. Karaniwang isinasalaysay sa mga kabataan para aliwin gayundin ang
magbigay ng pangaral. Ang mga tauhan ng kuwento ay pawang mga hayop. Mga hayop
na kumakatawan o sumasagisag sa mga katangian o pag-uugali ng tao. Ang ahas
halimbawa ay karaniwan nang nangangahulugan ng isang taong taksil. Ang pagong,
makupad. Ang kalabaw, matiyaga. Ang palaka, mayabang. Ang unggoy o matsing,
isang tuso. Ang aso, matapat. Marami pang hayop ang may ibang pagpapakahulugan.
Sa mga bagay naman, ang rosas ay kumakatawan sa babae at sa pag-ibig. Ang
bubuyog sa isang mapaglarong manliligaw.
Itinuturo ng pabula ang tama, patas,
makatarungan at makataong ugali at pakikitungo sa ating kapwa. Ang mga pabula
ay lumaganap dahil sa magagandang aral sa buhay na ibinibigay nito.
Kaligirang Pangkasaysayan ng Pabula sa Korea
Ang mga hayop ay hindi lamang
mga nilikhang gumagala sa kapatagan at kabundukan. Ang mga ito ay may simbolong
ugnayan sa bansa at sa mga mamamayan nito. Sa Korea, mahalaga ang ginampanan ng
mga hayop sa kanilang mitolohiya at kuwentong bayan . Ayon sa kanilang
paniniwala, noong unang panahon daw ay may isang tigre at oso na nagnais maging
tao. Nang bumaba sa lupa ang kanilang diyos na si Hwanin ( diyos ng
kalangitan) ay humiling ang isang tigre at isang oso na maging tao. Ang sabi ni
Hwanin ay magkulong sa kuweba ang dalawa sa loob ng 100 araw. Dahil sa
marubdob na pagnanasang maging tao ay sumunod sa ipinag-uutos ang dalawa.
Pagkalipas lamang ng ilang araw ay agad ding lumabas ang tigre subalit nanatili
sa loob ng kuweba ang oso. Pagkalipas ng 100 araw ay may isang napakagandang babae
ang lumabas ng kuweba. Ang babae ay natuwa sa kaniyang itsura at kinausap muli
si Hwanin . Nagpasalamat siya sa diyos at muling humiling na sana ay
magkaroon siya ng anak. Pinababa sa lupa ng diyos ang kaniyang anak na si Hwanung
( anak ng diyos ng kalangitan) at ipinakasal sa babae. Sila’y nagkaanak at
pinangalanang Dangun. Si Dangun ay naging hari. Pinaniniwalaang dito
nagsimula ang pagkakaroon ng simbolong hayop ang iba’t ibang dynasty sa Korea.
Gramatika :
MODAL
Ang modal ay tinatawag na malapandiwa?
Ginagamit ang mga ito na pantulong sa pandiwang na nasa panaganong pawatas. Ang
mga ito ay ginagamit bilang panuring na may kahulugang tulad ng pandiwa. Ang
mga modal ay mga pandiwang hindi nagbabago, limitado kapag binanghay o walang
aspekto.
Mga Halimbawa: ibig, nais, gusto, kailangan
Gamit ng modal:
1. Bilang malapandiwa
Gusto niyang makaahon sa hukay.
Ibig ng puno at ng baka na kainin ng tigre
ang tao.
(Ang gusto at ibig ay ginamit bilang
malapandiwa subalit di tulad ng ganap na pandiwa wala itong aspekto.)
2.Bilang panuring na may
kahulugang tulad ng pandiwa
Gusto niyang maglakbay muli.
(Ang salitang gusto ay nagbibigay turing sa
salitang maglakbay na isang pandiwang nasa anyong pawatas. )
Ibig ng kuneho na makita ang hukay kung
saan nahulog ang tigre.
(Ang salitang ibig ay modal na nagbibigay
turing sa salitang makita na isang pawatas.)
Narito ang mga uri:
1. Nagsasaad ng pagnanasa, paghahangad at
pagkagusto
Mga Halimbawa:
Gusto kong mamitas ng bayabas.
Ibig kong matupad mo ang iyong pangarap sa
buhay.
2. Sapilitang pagpapatupad
Halimbawa: Dapat sundin ang sampung utos ng
Panginoon.
3. Hinihinging mangyari
Halimbawa:
Kailangan mong magpursigi sa iyong
pag-aaral.
4. Nagsasaad ng posibilidad
Halimbawa:
Maaari ka bang makausap mamaya?
Puwede kang umasenso sa buhay.
Repleksiyon : Sa panitikan na ating napag-aralan aking natutunan ang ilang kultura ng
bansang Korea. Malaki ang pagpapahalaga ng mga Koreano sa mga hayop dahil sa
kanilang paniniwala na ang kanilang ninuno ay hayop na naging tao. Sa
kadahilanang ito ang mga hayop sa pabula ng Korea ay sumasalamin at umaaktong
ayon sa kaugalian ng tao. Dahil ang mga pabula ay may layuning magturo o
mag-iwan ng aral ginagamitan ito ng mga modal.Kung matututunan ang twastong
paggamit ng modal mas maipapahayag ang aral na nais iparating ng isang pabula.
Aralin 2.3
Bansang Taiwan
Ang bansang Taiwan ay kilala
din sa teknolohiya. Minsan ding silang nakilala dahil sa teleseryeng
"Meteor Garden" na sinubaybayan nating mga Pilipino
Sanaysay
Ang sanaysay ay isang matalinong pagkukuro
ng sumulat tungkol sa isang paksa? Ito ay isang genre o sangay ng panitikan na
nasusulat sa anyong tuluyan na maaaring tumalakay sa anumang isyu sa
kapaligiran maging tao, hayop, pook, pangyayari, bagay, at guniguni.
Ayon kay Alejandro Abadilla, ang sanaysay
ay pagsasalaysay ng isang sanay. Kaya’t ang sinumang susulat nito ay
nangangailangan na may malawak na karanasan, mapagmasid sa kapaligiran,
palabasa, o nagsasagawa ng pananaliksik tungkol sa paksang napiling isulat.
Nararapat na magpokus sa isang paksa lamang at maghanda ng balangkas upang
magkaroon ng kaisahan ang daloy ng mga ideya.
Tinatawag na mananaysay ang manunulat ng
sanaysay. Kinakailangan ng masining na pag-aaral at kasanayan ng sinumang
susulat nito. Katunayan, kabilang sa matatawag na sanaysay ang mga akdang
pandalub-aral gaya ng tesis, disertasyon, pamanahong papel at panunuri, at ang
mga sulating pampamahayagan gaya ng tanging lathalain.
- mula sa Panitikang Filipino: Antolohiya ni Jose B.
Arrogante et. al, 2003
Ang Kababaihan ng Taiwan,
Ngayon at Noong Nakaraang 50 Taon
isinalin sa Filipino ni Sheila
C. Molina
Ang bilang ng populasyon ng kababaihan sa mundo ay 51% o
2% na mataas kaysa kalalakihan. Maaaring isipin ng ilan na ang kababaihan ay
nakakukuha ng parehong pagkakataon at karapatan gaya ng kalalakihan. Ilang
kababaihan lamang sa buong mundo ang nakakakuha ng pantay na karapatan at
paggalang tulad sa kalalakihan. Ang tungkulin at kalagayan ng kababaihan ay
unti-unting nagbabago sa nakalipas na 50 taon. Ito ay makikita sa dalawang
kalagayan : una ang pagpapalit ng gampanin ng kababaihan at ang ikalawa ay ang
pag-unlad ng kanilang karapatan at kalagayan. Nakikita ito sa Taiwan.
Ang unang kalagayan noong nakalipas na 50 taon, ang babae
sa Taiwan ay katulad sa kasambahay o housekeeper. Ang tanging tungkulin
nila ay tapusin ang hindi mahahalagang gawaing-bahay na hindi natapos ng
kanilang asawa. Ang mga babae ay walang karapatang magdesisyon dahil sa
kanilang mababang kalagayan sa tahanan.
Ngayon, nabago na ang tungkulin ng mga babae at ito ay
lalong naging komplikado. Sa bahay ng mga Taiwanese, sila pa rin ang may
pananagutan sa mga gawaing-bahay. Ngunit sa larangan ng trabaho, inaasahang
magagawa nila kung ano ang nagagawa ng kalalakihan. Sa madaling salita,
dalawang mabibigat na tungkulin ang nakaatang sa kanilang balikat.
Ang ikalawang kalagayan ay pinatutunayan ng pagtaas ng
kanilang sahod, pagkakataong makapag-aral, at mga batas na nangangalaga sa
kanila. Karamihan sa mga kompanya ay nagbibigay ng halaga sa kakayahan ng babae
at ang mga kinauukulan ay handang kumuha ng mga babaeng may kakayahan at
masuwelduhan ng mataas. Tumataas ang pagkakataon na umangat ang babae sa isang
kumpanya at nakikita na ring may mga babaing namamahala. Isa pa, tumaas ang
pagkakataon para sa mga babae pagdating sa edukasyon. Ayon sa isang estadistika
mula sa gobyerno, higit na mataas ang bilang ng mga babaing nag-aaral sa
kolehiyo kung ihahambing sa kalalakihan makalipas ang 50 taon.
At ang huling kalagayan ay ang
pagbabago ng mga batas para sa pangangalaga sa kababaihan ay nakikita na rin.
Halimbawa, sa Accton Inc., isa sa nangungunang networking hardware
manufacturer sa Taiwan, ginawa nang isang taon ang maternity leave sa
halip na 3 buwan lamang. Ang gobyerno ng Taiwan ay gumagawa na ng batas sa pagkakaroon
ng pantay na karapatan upang higit nilang mapangalagaan ang kababaihan.
Bilang pagwawakas, naiiba na ang gampanin ng mga babae at
higit itong mapanghamon kung ihahambing noon. Ang kanilang karapatan at
kahalagahan ay binibigyan na ng pansin. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang
mga babae ay tumatanggap na ng pantay na posisyon at pangangalaga sa lipunan.
Mayroon pa ring mga kompanya na hindi makatarungan ang pagtrato sa mga babaing
lider nito. Marami pa ring kalalakihan ang nagbibigay ng mabigat na tungkulin
sa kanilang asawa sa tahanan. Ito ay matuwid pa rin sa kanila. Marami pa ring
dapat magbago sa kalagayan ng kababaihan sa Taiwan at malaki ang aking pag-asa
na makita ang ganap at pantay na karapatan nila sa lipunan.
(posted by admin sa Free Papers: Free Essay
on Women in Taiwan: Now & Fifty Years Ago) http://women-in-taiwan-essay-htm/oct.1,2013
Pagbibigay Kapangyarihan sa Kababaihang Pilipino
sa Pamamagitan ng Estadistikang Kasarian
“Babae, pasakop kayo sa inyong
asawa,” isang pahayag na
hinango sa Banal na Aklat at
naging panuntunan ng balana rito sa daigdig sa lahat ng panahon.Lahat ng bagay
ay nagbabago kaya nga walang permanente sa mundo. Ang dating kiming tagasunod
lamang ay natutong tumutol laban sa karahasan sapagkat hindi na matanggap ang
dinaranas na kaapihan.
Kaniyang ipinaglaban ang
sariling karapatan upang makapagpasiya sa sarili. Lakas-loob din niyang hiningi
ang karapatang maisatinig ang matagal nang nahimbing na pagnanasang maging
katuwang hindi lamang sa tahanan kundi maging sa paghubog ng lipunan para sa
isang maunlad, matahimik at kaaya-ayang kinabukasan.
Sa ngayon, ang kababaihan ay
unti-unting na ring napahalagahan. Hindi man ito maituturing na ganap dahil sa
patuloy na mga karahasang pantahanan na pawang mga kababaihan ang nagiging
biktima. Ang sexual harassment na madalas ay daing ng mga kababaihan ay
nagdaragdag sa mga suliraning pambansa. Ang babae ay katuwang sa pamumuhay.
Hindi sila katulong na tagasunod sa lahat ng mga ipinag-uutos ng ilang
nag-aastang “Panginoon”. Sila’y karamay sa suliranin at kaagapay sa mga
pangyayaring nagdudulot ng pait sa bawat miyembro ng pamilya. Tunay na ang mga
kababaihan ay hindi lamang kasama kundi kabahagi sa pagpapaunlad ng bayan sa
lahat ng panahon.
Marami na ring samahan ang
itinatag upang mangalaga atmagbigay-proteksiyon sa mga kababaihan. Ilan sa mga
ito ay Gabriela, Tigil-Bugbog Hotline at marami pang iba. Patuloy ang mga
samahang ito sa pakikibaka upang sugpuin ang patuloy na diskriminasyon sa
pagitan ng kalalakihan at kababaihan. Layunin nilang mabigyan ng edukasyon at
kamulatan sa mga karapatang dapat ipakipaglaban ng mga kababaihan.
- halaw sa Sandigan
I(Kalipunan ng mga Banghay-Aralin sa Pagtuturo ng Filipino ) ni Lolita M.
Andrada
Gramatika :
Pangatnig
Pangatnig ang tawag sa mga
kataga o salitang nag-uugnay ng dalawang salita, parirala, o sugnay na
pinagsusunod-sunod sa pangungusap. Halimbawa: Layunin nilang mabigyan ng
edukasyon at kamulatan sa mga karapatang dapat ipakipaglaban ng mga kababaihan.
Ang pangatnig na at ay
nag-uugnay ng mga salitang edukasyon at kamulatan.
Sila’y karamay sa suliranin
at kaagapay sa mga pangyayaring nagdudulot ng pait sa bawat miyembro ng
pamilya. Ang pangatnig na at ay nag-uugnay ng dalawang sugnay. Ang unang sugnay
ay sila’y karamay sa suliranin. Ang ikalawang sugnay ay kaagapay sa mga
pangyayaring nagdudulot ng pait sa bawat miyembro ng pamilya.
May dalawang panlahat na
pangkat ng mga pangatnig : (1)yaong nag-uugnay ng magkatimbang na yunit (2)
yaong nag-uugnay ng di- magkatimbang na yunit.
Sa unang pangkat, kabilang
ang mga pangatnig na at, pati,saka, o, ni, maging, ngunit, subalit atbp. Ang
mga pangatnig na ito ay nag-uugnay ng mga salita, parirala at sugnay na
magkatimbang o mga sugnay na kapwa makapag-iisa.
Sa ikalawang pangkat naman ay
kabilang ang mga pangatnig na kung, nang, bago, upang, kapag o pag, dahil sa,
sapagkat, palibhasa, kaya, kung gayon, sana, atbp. Ang mga pangatnig na ito ay
naguugnay ng dalawang sugnay na hindi timbang, na ang ibig sabihin ay pantulong
lamang ng isang sugnay.
- mula sa Makabagong
Balarilang Filipino
ni Alfonso O. Santiago at
Norma G. Tiangco, 2003
Repleksiyon : Ang sanaysay ay nagagamit sa pagpapakita ng sitwasyon sa
lipunan tulad ng ginawa sa sitwasyon ng mga kababaihan sa Taiwan. Sa pamamagitan
ng sanaysay naisasalaysay ng isang tao ayon sa kaniyang sariling isip. Sa
pagsulat nito gumagamit tayo ng mga pangatnig upang mas lalo pang mapalinaw ang
nais nating iparating.Sa paggamit ng mga pangatnig naipagkokonekta natin ang
mga salita upang bigyan ng mas malalim na kahulugan. Kaya naman sa pag-alam sa
wastong gamit nito mas makapagsusulat tayo ng epektibong sanaysay.
Aralin 2.4
Bansang China
Ang bansang China ay hindi na
bago sa atin. Magmula noong unang panahon malalim na ang naging ugnayan nito sa
ating bansa. Mababakas ito sa mga impluwensiya nila sa atin na hanggang ngayon
ay atin pa ring isinasabuhay. Rulad ng pagkain ng siomai, siopao, pansit at iba
pa. Maging sa mga pamahiin ay marami ang naging ambag nila sa atin. Ang mga Tsino ay kilalang mga magagaling na
negosyante, sila ay masipag at matiyaga kaya naman kahit saan ka tumingin sa
iyong paligid mayroong negosyanteng Tsino.
Paglalarawan :
Sa kuwentong makabanghay, ang binibigyang-diin ng sumulat
ay ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari o ang madulang pangyayari? Sa
kuwento naman ng tauhan, nakapokus ang mga pangyayari sa tauhan upang mabigyan
ng kabuuang pag-unawa ang mga mambabasa tungkol sa kanila. Pinapahalagahan
naman sa kwento ng katutubong-kulay ang tagpuan - ang pook/lugar na
pinangyarihan ng kwento. Karaniwan ay maraming paglalarawan tungkol sa pook -
hindi lamang pisikal kundi pati na rin ang mga pangkalahatang pag-uugali ng mga
tao roon, ang kanilang mga kilos/gawi, mga paniniwala, pamahiin, at pananaw sa
buhay.
-mula sa Sambotani
III
ni Bernie C.
Santos, 2007
Niyebeng-itim
ni Liu Heng
Isinalin sa Filipino ni
Galileo S. Zafra
Paparating na ang bisperas ng Bagong Taon. Nagpakuha ng
litrato si Li Huiquan sa Red Palace Photo Studio, isang bagay na ayaw na
ayaw niyang gawin, dahil pakiramdam niya, lalo pa siyang pinapapangit ng
kamera. Sinabihan na siya ni Tiya Luo na sapat na ang apat na piraso, ngunit
nag-order siya ng labinlima. Nagulat ang klerk.
“Kinse?”
“Kinse nga.”
“Hindi kami siguradong maganda pa rin ang litrato kapag
ganoon karami.”
“Gusto ko sabi ng kinse!”
May pagkainis na sa kanyang boses at iyon lamang ang magagawa niya para
mapigilan ang sarili na suntukin ang pangang iyon. Nag-order siya ng kinse para
hindi na siya bumalik pa sa susunod at ikinabuwisit niya ang ituring na
kahangalan ang ganito.
Nang bumalik siya para kunin ang litrato, mas kabado siya kaysa nang kunin
niya ang mga abo ng kanyang ina sa crematorium. Tumalikod siya at
lumakad papalayo dala ang balutang papel nang hindi pa muna sinusuri ang
litrato, at nang nag-iisa na lamang, dinukot niya ang laman . Labinlimang
magkakatulad na litrato ang hawak niya, bawat isa ay nakatitig sa kanya nang
may pare-parehong hitsura. Sa kabuuan, mas maayos ang kinalabasan kaysa kanyang
inaasahan. Parang mas manipis ang kaniyang labi dahil nakatikom, nakatitig ang
mga mata niya. Hindi mo masasabing pangit. Sa katunayan, mas guwapo siya kaysa
sa maraming tao. Wala siyang reklamo.
Dinala siya ni Tiya Luo sa komite sa kalye kung saan pinagpasa-pasahan
sila. Nakipag-usap sila sa iba’t ibang tao hanggang sa isang may katandaang
opisyal ang nagbigay rin sa kanya ng lisensya para sa kariton. Hindi
naaprobahan ang kanyang aplikasyon para sa lisensya sa pagtitinda ng prutas
dahil puno na ang kota. Ang mga kontak ni Tiya Luo ay hindi makatulong o ayaw
nang tumulong. Mayroon na lamang lisensya para sa tindahan ng damit, sombrero
at sapatos. Wala nang pakialam si Huiquan kung anuman ang maaaring itinda. Ang
mahalaga, mayroon siyang magawa. Nabalitaan niyang mas madali ang pagtitinda ng
prutas, mas mabilis ang kita; mas mabagal naman sa damit, at mas mababa pa ang
tubo. Nabalitaan din niyang kailangan niya ng maayos na tindahan o koneksiyong black-market
para talaga mapatakbo ito. Ngunit handa siyang sumubok. Kailangang
palakasin niya ang kanyang utak, at di matatakot magtrabaho, maaayos ang lahat.
Kahit maliit ang kikitain niya, hindi naman liliit pa iyon sa natatanggap niya
bilang ulila, hindi ba? Bahala na.
Paglabas nila mula sa compound ng gobyerno, nakabangga nila ang
isang matabang mama na tinawag ni Tiya Luo na Hepeng Li. Sabi ni Tiya Luo kay
Huiquan na tawagin itong Tiyo Li. Walang ideya si Huiquan kung hepe ito ng ano
at kaninong tiyo ito, ngunit naaalala niya rito ang matatabang sumo wrestler
ng Hapon.
“Hindi ka ba magpapasalamat kay Tiyo Li sa lahat ng tulong niya?” Magalang
na yumuko si Huiquan, isang ugaling natutunan niya sa kampo.Kailangang yumuko
ang mga bilanggo sa lahat ng guwardya, inspektor, at tagamasid na
nakikipag-usap sa kanila o nakatingin man lang sa kanila- iyon ang pagsasanay.
Ginagawa na niya iyon dahil nakasanayan na. Ngunit halos di siya napansin ng
mama -- tila ito isang lalaking tumitingin ng kung anong paninda. Pakiramdam ni
Huiquan ay isa siyang basurahan o isang pirasong basahan na nais magtago sa
isang butas.
“Ito ba siya?” tanong ng matabang mama kay Tiya Luo.
“Mabait siyang bata, tulad ng sabi ko. Tingnan mo’t namumula na siya.”
Napatawa ang mama habang itinuon ang tingin kay Huiquan.
“Alam mo ba kung paano ka nakakuha ng lisensya gayong maraming retirado at
walang trabaho ang di-makakuha?”
“Dahil … dahil kailangan ko ng trabaho?”
“Iyon lang ba?” mapanlibak ang ngisi ng mataba.
“Dahil isa akong ulila?”
“Kinakalinga ka ng pamahalaan; tiyak kong alam mo iyan. Huwag kang
manggugulo at huwag kang sakim… nagkamali ka na. Kalimutan mo na iyon, dahil
kapag umulit ka, wala nang tutulong sa iyo.”
“Gagawin ko anuman ang ipag-utos ng pamahalaan.”
Isa na naman sa maraming islogan sa kampo. Nakabilanggo pa rin ang kaniyang
isip at damdamin kahit pinalaya na siya sa kampo. Kahit si Tiya Luo ay
tumangu-tango. Saanman siya magpunta, laging may nagsasabi sa kaniya kung ano
ang dapat at di-dapat gawin; sa pagtingin sa kanya nang mababa, umaangat ang
kanilang sarili. Namalagi siya sa bilangguan. Sila ay hindi at nararamdaman niya
na ang mga babala, panlalait, at paalala ay para lang sa kaniya; gamitin ang
ihian, walang dudura, bawal pumasok, limang yuan na multa - lahat ay patungkol
sa kaniya at tanging sa kanya lamang. Habampanahon na may magpapahirap sa
kaniyang buhay, magtuturo sa kaibahan niya at ng ibang tao, hihila sa kanya
paibaba. Gusto niyang lumaban, pero wala siyang lakas. Kaya magpapanggap siyang
tanga, umiiwas sa mga nagmamasid at nagmamatyag, Maraming taon na naman niyang
ginagawa ito.
Masayang naglakad si Tiya Luo, di-pansin ang tamlay sa mukha ni Huiquan
habang nakasunod ito na parang bilanggo.
“Halos Bagong Taon na. Pwede kang manatili ngayong bagong taon sa amin.”
“Salamat, pero maayos na po ako…”
“Sa palagay ko’y matutuwa na ang ina mo. Kung buhay siya, ipapangalandakan
niya -- negosyante na ang anak ko; maganda ang kinabukasan niya; hindi na siya
katulad nang dati. Gusto kong pasalamatan mo ang nanay mo.”
“Sige po.”
“Bahala ka kung gusto mong mag-isa ngayong Bagong Taon pero hindi ibig
sabihin na pwede kang uminom.”
“Huwag kayong mag-alala.”
“Hindi na maaga para mamili para sa Bagong Taon. Isda, manok – kung ano-ano
pa. Kung hindi ka marunong magluto, pumunta ka rito at tuturuan kita. Dapat
lang na maayos ang Bagong Taon mo. Pagkatapos, dapat magtrabaho na. Ayusin mo
at hahanapan kita ng nobya. Ano sa palagay mo, bata?”
“Kayo ang masusunod.” Ngumiti siya ngunit matamlay. Ang isang yari sa kahoy
at canvass na ambi ay aabot ng sandaan o mahigit pa; kung may tatlong
gulong, dagdag na tatlong daan pa mahigit. Wala nang matitira para sa paninda.
Hindi pa nga nagsisimula’y kailangan na niyang humugot sa naipon ng kaniyang
ina. Kinabahan siya dahil wala na itong atrasan.
Isa o dalawang araw bago ang Bagong Taon, nakakita siya ng kakarag-karag at
lumang tatluhang gulong na sasaksyan sa East Tsina Gate Consignment Store na
230 yuan ang halaga. Ayos ang presyo pero napakasama ng kondisyon at
di-masasakyan. Mukhang maayos ang balangkas- kahit paano’y napanatili ang
hugis; walang gulong, pero mapakikinabangan pa rin ang gilid at rayos ng
gulong; walang kuliling , walang kadena, at walang tapakan, ngunit may preno at
pedal. Hindi siya makapagpasya at pinag-isipan niya sa lahat ng anggulo.
Nalibot na niya ang buong bayan. Ang mga bagong sasakyan ay nagsisimula sa apat
na raan, wala namang ipinagbibiling umaandar pang segunda mano. Sa isang
groseri, nakakita siya ng isang sasakyang yari sa kawayan na mukha namang
matibay, ngunit parang may mali rito. Kung magtitinda siya ng damit,
kakailanganin niya ang tatluhang gulong – para naman presentable.
“Gusto mo nito? Para saan?”
Lumapit ang klerk sa kaniya.
“Tamang-tama. Hindi ka magsisisi. Kung poste ng telepono,
o kongkreto. O iba pang katulad, hindi ko ‘to irerekomenda. Pero para lamang
pala sa ilang tumpok ng damit. Di ka gagastos ng higit sa sandaan sa pag-aayos
nito, at pwedeng tumagal pa ng lima, anim na taon.”
“Bakit di-gumagalaw?”
“Matigas ang preno. Aayusin ko.”
Ibinigay ni Huiquan ang pera, at kinaladkad ang walang gulong na sasakyan
mula East Tsina Gate patungong Dongsi, at mula roon, papuntang Chaoyong
Gate. Dahil sa kanyang natatanging sasakyan, naging sentro siya ng
atensyon, bagaman hindi naman nakapipinsala ang mga tingin sa kanya. Matapos
bumili ng ilang parte sa pagawaan ng bisikleta sa labasan ng Chaoyong Gate
Boulevard, tinulak niya ang kanyang sasakyan patungong East Lane ng
Kalyeng Spirit Run papasok sa gate ng bilang 18. Ang berdeng bayong na
nakasabit sa kalawanging hawakan ng sasakyan ay napuno ng tinimplang baka,
dalawang pinakuluang manok, may yelong isda, apat na paa ng manok at isang bote
ng alak – hapunan para sa Bagong Taon. Binili niya at madaling nakuha dahil
ayaw na ayaw niyang nakapila at wala naman siya talagang hinahanap para sa
kanyang hapunan. Mas iniintindi niya ang kaniyang sasakyan, ang kanyang bagong
kaibigan, ang kaniyang tahimik na kasama.
Inimbitahan siya ni Tiya Luo para maghapunan, bisperas ng Bagong Taon.
Dumaan ito habang naglalagare siya ng kahoy, nakalambitin sa kaniyang bibig ang
isang pirasong manok. Tumanggi na muna siya. May naamoy ang Tiya at inangat
nito ang takip ng palayok. Pinalalambot ang paa ng manok sa kumukulong sabaw.
Walang makikitang berde – hindi balanseng pagkain. Sira na ang manggas ng
kaniyang panlamig; puno ng kusot ang kaniyang sapatos at laylayan ng pantalon;
marumi at mahaba ang kaniyang buhok. Naawa si Tiya Luo sa kaniya, ngunit
tumanggi pa rin si Huiquan. Ginagamit pa rin niya ang kahoy na iniwan ni Hobo,
desididong gumawa ng magandang patungan para sa kaniyang sasakyan.
Bumalik si Tiya Luo para imbitahan siyang manood ng TV - nakatatawang
palabas at iba pang kawili-wiling programa. Hindi dapat palampasin. Ngunit
umiling siya, hindi man lang tuminag sa kaniyang paglalagare.
“Marami pa po akong gagawin.”
“Hindi makapaghihintay kahit pagkatapos ng Bagong Taon.”
“Mas gugustuhin kong patapusin ninyo ako...”
“Marami namang panahon. Huwag mong tapusin agad lahat. Di ka dapat
magpagod, Bagong Taon pa naman.”
Sa umpisa, panaka-naka ang mga paputok, ngunit dumalas ang ingay at
pagsapit ng hatinggabi, akala mo’y sasabog na ang mundo. Ibinaba ni Huiquan ang
lagare at nagsalin ng alak. Matagal na pinalambutan ang paa ng manok kaya halos
matanggal na sa buto ang mga laman nito. Tama naman ang pagkaluto, medyo
matabang, marahil, kaya nilagyan niya ng kaunting toyo ang plato at isinawsaw
niya ang laman dito, at kumain at uminom siya hanggang sa mamanhid ang kanyang
panlasa. Maaaninag sa kaniyang bintana sa kaniyang likod ang pula at berdeng
ilaw paminsan-minsan. Karangyaan kahit saan ka lumingon, mula sa mga taong
kuntento sa kanilang buhay. Ano ang balak ng milyong taong ito ? Ano ang
ipinagsasaya nila?
Siguradong hindi siya kabilang sa kanila. Kung buhay si Ina, panahon iyon
ng pagbabalot ng dumpling, iyong maliliit na pagkaing pumuputok sa bibig
na parang kendi. Gustung-gusto niya iyon. Sa unang Bagong Taon niya sa kampo,
pitumpu’t anim ang nakain niya sa isang upuan, hanggang sa mabusog siya nang
sobra’t hindi na siya halos makaupo, at ginugol niya ang buong hapon sa
paglalakad sa laruan. Gayunman, kahit ang alaalang ito ay hindi nakapagpasaya
sa kaniya. Malagkit ang mga kamay niya dahil sa pinalambutang paa ng manok at
sapin ng malagkit na baboy, at nahihilo na siya dahil sa alak.
Lumabas siya at tumayo sandali sa bakuran. Walang lamig, walang hangin.
Makulay ang langit; maraming paputok sa lahat ng dako. Ang bakuran, na may
mahigit sa pito o walong talampakan ang luwang, ay tulad ng balon sa ilalim ng
kumikinang na bughaw na langit. Isang stereo ang bumubuga ng awit, iyong
tunog na di-maintindihan. Naiisip niyang mataba at pangit ang mang-aawit.
Nakapanood na siya ng ganito sa TV – magagandang boses at ngiti ngunit pangit
ang hitsura nila. Kumikisay sila sa iskrin, ang mga kilos ay nagpapatingkad
lamang sa kanilang kapangitan at ang mga awit nila ay ginagawang mga sigaw at
halinghing. Magagandang babae lamang dapat ang ipinakikita sa TV, subalit
maaaring nagkukulang na ng suplay. Bagaman lumalayo na si Huiquan sa mga babae,
sumasagi pa rin sa isip niya ang imahen ng magagandang dalaga. Wala sa mga ito
ang kilala niya dahil labo-labo na ang mga ito sa kanyang utak – malalabong
imahen na ang intensyon ay malinaw at tiyak. May mga panahon, natatanging
panahon, kung kailan pinapangarap niyang mapasasayaw niya sa kaniyang isip ang
mga imahen. Ngunit sa totoong mundo man o sa mundo ng ilusyon ay hindi
niya mapasunod ang mga ito. Walang magawa, napilitan
siyang tanggapin ang kaniyang kahinaan.
Ang isip ni Huiquan ay nabaling sa malalaswang dingding -- dingding ng
banyo na ang mga sugat ay hindi mabura, ginulping dingding na halos iguho ng
malalaswang pag-atake. Kakaiba, malaswang isip at dumi ay kakatuwang
napapagsama nang maayos doon, pinupuwersa siyang harapin ang maruming katawan
na pinipilit niyang itago. Mag-isa sa bisperas ng Bagong Taon, idinagdag niya
ang sarili niyang mga pantasya sa mga naroon sa maruruming dingding. Hindi pala
ang mga babae kundi marahil sa sarili pala niya siya naririmarim.
Sa sarili niyang paraan, inalagaan niya ang kaniyang sarili. Magulo,
siyempre pa, ngunit gusto niya ang gayon, lihim, ligtas, at di-komplikado. Mas
maraming mapagtataguan sa kampo kaysa kaya nilang bilangin – taniman, maisan,
daluyan ng irigasyon, di pa nabubungkal na bukid – na ang tanging nagmamasid sa
kaniya ay ang langit sa itaas at ang lupa sa ibaba. Nang naroon na siya, wala
na siyang pagtingin kay Xiaofen, kaya wala nang direksyon ang kaniyang
pagkahumaling. Bahala na. Alam niyang pinaglalaruan siya ng mga demonyo at wala
siyang lakas para labanan ito.
Pagod na siya. Paubos na ang mga pagputok. Ang madalang nang pagputok ay
nagpatingkad sa kalaliman ng gabi. Puno na ang mg tao ng kasiyahan, pagkain, at
laro, at oras ba para matulog ang lungsod, bago magbukang-liwayway. Wala siyang
kasama, at pakiramdam niya’y nawawala siya. Labas sa kaniyang mga pantasya,
wala siyang makitang babae na karapat-dapat sa kaniyang pagmamahal.
Si Luo Xiaofen, wala na sa kanyang isip, ay hinding-hindi ang babaeng iyon.
Hindi pa niya nakikita ito simula nang lumabas siya. Nagbabakasyon ito sa
Harbin kasama ng kaniyang nobyo, isang assistant sa kolehiyong normal,
at isang gradwadong mag-aaral sa matematika si Luo – isang tambalang itinadhana
ng langit. Ibinalita ni Tiya Luo, masaya at nagmamalaki, na magpapakasal na ang
dalawa sa Mayo. Si Luo Xiaofen – kababata ni Hiuquan, sabay silang
nag-elementarya hanggang gitnang paaralan, ngunit ngayon, wala na siyang
pagkakatulad. Nasa Harbin si Luo, samantalang siya, nasa kalyeng Spirit Run,
sa isang madilim na sulok, gumagawa ng hamak na bagay. Ngunit ito ang tadhana.
Hinahamak siyang lagi ng tadhana.
Sa unang araw ng bagong taon, pinagkaabalahan niya ang kaniyang sasakyan,
sa ikalawang araw, inilabas iyon para paandarin. Tuwang-tuwang siya sa mga
sisidlang ginawa niya. Nagbisekleta siya para tingnan ang mga pakyawan, para
pag-aralan ang mga lokasyon nito. Sa ikalima pa ang
takdang pagbubukas ng mga ito, tila pinagkaisahan siya.
Walang magagawa hanggang sa araw na ito.
Matapos sumulat sa Instruktor Politikal Xue at ipadala ang liham, dumaan si
Huiquan sa isang tindahan ng libro at bumili ng mga kopya ng “Mga Multo
sa Isang Lumang Sementeryo at Mga Babaeng Ahas”. Pagbalik sa bahay, humilata
siya’t nagbasa habang kinaing-isa-isa ang saging. Nitong mga nagdaang araw,
nakaubos siya ng isang piling hanggang sa naging madulas ang kanyang bituka at
napapapunta sa inodoro buong araw. Maayos naman ang mga libro; hindi lang siya
makaalala ng istorya. Kaya’t binabasa niyang muli, at parang bago at
kawili-wili pa rin sa ikalawang pagbasa. Matapos niyang basahing muli ang mga
libro, itinabi niya ito at ang mga pader ay tila blangko at maputla. Saging pa.
Itinuturing na niyang mga gago ang mga awtor. Nakababato. Gayon pa rin bukas,
at may pakialam ba siya ? Ano ang pagkakaiba ng malaki at maliit na daga ?
Parehong pangit; parehong patagu-tago.
Ibinigay kay Huiquan ang pwesto sa may daanan sa timog ng Silangang tulay. Dito
ang mga numero ay nakapinta nang puti sa mga ladrilyo na nasa isang mahabang
hanay ng tigdadalawang kwadrado-yardang pwesto; ang iba ay okupado, ang iba ay
hindi. Matapos niyang ayusin ang kaniyang tindahan, tinakpan niya iyon ng ambi
at inayos ang kaniyang sasakyan para magsilbing harap ng tindahan. Sa bandang
kaliwa niya ay ang daanang silangan-kanluran, sa bandang kanan, ang katapat
nitong hilaga-timog. Nasa tapat mismo ng paradahan para sa Eastbridge
Department Store. Nasa gilid siya ng alimpuyo ng mga tao, parang di
humihinto.
Wala isa man lang na tumingin sa kaniyang paninda. Pagod pa sa nagdaang
okasyon, ang mga dumaraan ay palaiwas o bugnutin. Ang kaniyang designasyong ay
Timog 025. Hindi magandang puwesto. Siya ang ika-25 tindero ng damit sa isang
mahabang yardang lugar. Ang mga tindahan ng pagkain ay nasa hilagang bahagi ng
kalye, na may di kulang sa anim na nagtitinda ng inihaw na kamote at ilan pang
matatandang naglalako ng malamig na dalandan at halos bulok nang saging.
Napuno ng kulay berde sa kaniyang tindahan – isang bunton ng walong
kulay-olibang kasuotang pang-army. Isinampay niya ang ilan, inilatag ang
iba, at isinuot ang isa. Niloko siya ng matandang lalaki sa pakyawan. Hindi
maitinda ang mga kasuotan, panlamig na angora, at sapatos na gawa sa canvass.
Ang naitinda lamang niya nang araw na iyon ay mga angora, madaling naubos ang
dalawampung piraso. Mangyari pa, iyon ang pain para sa iba pang paninda. Ang
pakyawan ay tres-diyes. Ibinenta niya ang una ng apat na yuan at ang huli,
sais-beinte. Walang kinailangang magturo sa
kaniya. Natuto siya nang iabot sa kaniya ng unang kostumer ang pera ;
huwag kang matataranta sa pera at kalimutan mo na ang pagiging magalang.
Sumigla siya, sa kung anumang dahilan; kumislap ang mata niya, at napanatag
siya. Sa wakas, isang bagay itong may kontrol siya.
Gusto sana niyang magtago ng isang gora para sa sarili. Para itong Ku
Klux Klan na talukbong – mga mata lamang ang makikita – at iyon ang
kailangan ng nagtitinda. Pakiramdam ni Huiquan ay makapangyarihan siya, tulad
ng misteryosong matanda na naglalako ng minatamisan na nakatayo sa harap ng Eastbridge
Department Store, sa dinaraanan mismo ng hangin, ilang oras na walang imik,
walang kibot. May mga kostumer siya – hindi marami, kaunti – ngunit hindi na
matagalan ni Huiquan na panoorin siya, alam niyang maaari siyang sigawan nito
kapag nagpatuloy pa siya.
“Sapatos na tatak-Perfection mula sa Shenzhen free economic zone.
Sapatos, tatak-Perfection, gawa sa Shenzen…”
Nagulat ang mga naglalakad sa sigaw niyang ito. Narinig na niya ang
ganitong pagtawag sa Gate ng Silangang Tsina at sa Bukanang Gate,
ngunit hindi niya alam kung kaya niya ang ganito. Mahirap, sa isip niya; hindi
niya kaya. Ngayon, alam na niyang mali siya sa pagtantya sa sarili.
“Mga blusang Batwing! Halikayo rito ! Tingnan ninyo !”
Sa pagkakataong ito, napakasama ng tunog, ngunit tila walang nagulat. Ilan
pang segundo, nasanay na ang mga mamimili sa kaniyang kakaibang sigaw.
Maipagkakamaling galing sa aso o sa kotse, at hindi pa rin papansinin ng mga
namimili.
“Mga blusang Batwing! Seksi, seksi, seksi, mga babae!”
Kung makasisigaw lang talaga siya ng kung anong malaswa para mapansin.
Buong araw, binantayan niya ang kaniyang tindahan, mula umaga hanggang oras ng
hapunan, ngunit wala siyang nabenta, isa man lang panlamig na angora o isang
pares ng sapatos kaya -- wala maliban sa dalawampung angora. Kahit iyon lang,
ang may katandaang babae sa kaniyang kanan ay naiingit, dahil gayong mas
matagal na ito rito, naibenta lamang nito ay pares ng medyas at dalawang panyo.
Ang tindahan sa kaliwa ay binabantayan ng isang lalaking dadalawampuin na
muntik nang mapaaway sa isang kostumer dahil sa isang jaket na balat.
Ang sabi ng kostumer, iyon ay imitasyon; ipinilit ng tindero na tunay iyong
balat. Kinusot iyon ng kostumer at iginiit na imitasyon iyon mula sa ibang
bansa. Naubos na ang pasensya ng tindero. Alam ni Huiquan na tunay iyong balat,
ngunit hindi siya nakihalo sa gulo. Walang dahilan para sumangkot. Nang ang
lalaki ay nag-alok sa kanya ng sigarilyo, tumanggi siya. At siya naman ang
nagsindi, di niya pinansin ang lalaki. Wala siyang balak na mapalapit
kaninuman. Kailangang mag-ingat kapag sangkot ang ibang tao.
Siya ang huli sa hanay ng mga tindahan na nagsara ng araw na iyon. Alas
nuwebe na, kalahating oras matapos magsara ang department store. Madilim
ang paradahan, halos walang nagawa ang mga ilaw sa kalye; wala nang kostumer sa
gabi. Nagsasara na rin ang tindahan sa tapat, na binabantayan ng dalawang
lalaki, ngunit kahit gabing-gabi pa, parang ayaw pa nilang tapusin ang araw;
may lungkot at panghihinayang sa kanilang tinig.
“Medyas na nylon, pasara na ! Otsenta sentimos ang isang pares …
otsenta sentimos isang pares ! Paubos na ang medyas na nylon. Huling
tawag ! Medyas na nylon …
Dumaan ang kanilang sasakyan sa gilid ng kalye patungo sa daan, sa
direksyon ng tore ng pamilyang Hu. Pumedal ang isang tindero samantalang ang
isa ay nakaluhod sa sasakyan at iwinawagayway ang isang pares ng medyas na nylon.
Sandali lang ang kanilang lungkot na mabilis na pinalitan ng pambihirang tuwa.
Ang kanilang mga tinig – isang mataas, isang mahina – ay iginala ng hangin sa
gabi.
Sa sumunod na araw, nakabenta siya ng muffler.
Sa ikatlong araw, wala siyang naitinda.
Sa ikaapat na araw, wala pang kalahating oras pagkabukas niya ng tindahan,
nakapagbenta siya ng kasuotang pang-army sa apat na karpintero na
kababalik lamang sa Beijing mula sa timog. Pagkagaling sa Estasyon ng Beijing,
tumungo sila sa hardware sa tore ng pamilyang Hu, at nang marating nila
ang Silangang-tulay, nagkulay talong ang kanilang labi dahil sa lamig. Naligtas
ang kanilang mga balat ng kasuotang panlamig ni Huiquan, at ang kanilang pera
ay mabilis niyang isinilid sa kaniyang bulsa. Bago siya nakapagtinda, matamlay
niyang hinarap ang negosyo, ngunit nagbigay ng inspirasyon ang pagbili ng mga
karpintero. Tiyaga ang susi para sa isang buhay na matatag. Kahit sa
pinakamalalang panahon, walang ibubunga ang mawalan ng pag-asa. Mas mabuting
maghintay kaysa sa umayaw, dahil walang makaaalam kung kalian kakatok ang
oportunidad, Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay malas ka, hindi ba ?
Nag-iisip si Huiquan.
Mula sa Raya : Pagbasa at Pagpapahalagang Pampanitikan
sa Filipino ni Aurelio S.
Agcaoli,2005
Gramatika :
Pagpapalawak ng Pangungusap
Ang panaguri at paksa ay panlahat na bahagi
ng pangungusap. Ang bawat isa sa dalawang panlahat na mga bahaging ito na
maaaring buuin pa ng maliliit na bahagi. Napalalawak ang pangungusap sa mga
maliliit na bahaging ito.
Ang mga pampalawak ng pangungusap ay (1) paningit, (2) panuring
(pang-uri at pang-abay), at (3) pamuno at mga kaganapan.
Naririto ang ilang pangungusap na nagpapakita ng
pagpapalawak sa pamamagitan ng pang-uri.
Batayang pangungusap: Si Huiquan ay bilanggo.
1. Pagpapalawak sa pamamagitan ng karaniwang pang-uri:
Si Huiquan na ulila ay bilanggo.
2. Pagpapalawak sa pamamagitan ng pariralang panuring:
a. Si Huiquan na ulila ay dating bilanggo.
b. Si Huiquan na ulila sa mga magulang ay dating bilanggo.
c. Si Huiquan na ulila sa mga magulang ay dating bilanggo
sa Tsina.
d. Si Huiquan na ulila sa mga magulang na mahilig magbasa ng aklat ay
dating bilanggo sa Tsina.
1. Pagpapalawak sa pamamagitan ng ibang bahagi ng panalita na gumaganap ng
tungkulin ng pang-uri.
a. Pangngalang ginagamit sa panuring:
Si Huiquan na tindero ay dating bilanggo.
b. Panghalip na ginagamit sa panuring:
Si Huiquan na tinderong iyon, ay dating bilanggo.
c. Pandiwang ginamit na panuring:
Si Huiquan na tinderong iyon na sumisigaw ay dating
bilanggo.
2. Bigyang-halimbawa naman natin ang mga pampalawa
na pang-abay.
a. Batayang pangungusap: Umalis si Maciong.
b. Pagpapalawak sa pamamagitan ng pang-abay
na pamanahon: Umalis agad si Maciong.
c. Pagpapalawak sa pamamagitan ng pang-abay na pamaraan:
Patalilis na umalis agad si Maciong
- mula sa Makabagong Balarilang Filipino
ni Alfonso O. Santiago at
Norma G. Tiangco, 2003
Repleksiyon : Ang panitikang ating binigyan pansin ay isang kwento kung saan binibigyang
pansin ang paglalarawan.Dito inilalarawan ang tauhan at mga pangyayari sa kanya
pati na ang mismong lugar na ginagalawan ng tauhan. Sa paglalarawan gumagamit
ng pagpapalawak ng pangungusap. Sa kaalaman sa wastong paggamit nito mas
madaling gumawa ng kwento at ang mga mambabasa ay mas mauunawaan ang kwento
dahil sa paglalarawang ito.